bro marianito

Wala nang hihigit pa sa batas ng Diyos na puso, awa ang umiiral

297 Views

May hihigit pa ba sa batas ng Diyos kesa sa batas ng tao? (Mk. 2:23-28)

KAHIT paulit ulit tayong nagkakamali at lumalabag sa mga utos ng Panginoong Diyos ay paulit-ulit din niya tayong pinatatawad.
Dahil hindi padalos dalos sa paghatol ang Diyos laban sa mga makasalanan.

Sa Mabuting Balita ngayon (Marcos 2:23-28) madaling hinusgahan ng mga Pariseo ang mga Alagad ni Hesus habang napadaan sila sa triguhan sa isang araw ng pamamahinga o Sabbath.

Sinita ng mga mapanuring Pariseo ang mga Alagad ni Kristo at sinabing ang ginagawa nilang pamimitas ng uhay ay mahigpit na ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga.

Subalit sa halip na alamin nila ang kondisyon ng mga Disipulo kung bakit nila nagagawa ang gayong bagay ay mistulang hinusgahan agad sila ng mga Pariseo.

Sa halip na magkaroon sila kahit kaunting konsiderasyon man lamang. Kaya naman sa ating Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus ang kuwento tungkol kina David nang sila’y magutom at walang makain.

Matapos nilang pasukin ang bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog para sa Diyos.

Nilabag nila David ang isang kautusan dahil ang tinapay na kinain nila ay ang Pari lamang ang maaaring kumain nito.

Gayunpaman, hindi naparusahan si David at ang mga kasamahan nito dahil sa paglabag nila sa kautusan.

Sapagkat hindi kamay na bakal ang pinatupad at umiral laban sa kanila kundi ang habag, pang-unawa at konsiderasyon.

Pinatunayan lamang sa ating Pagbasa na bagama’t isang makapangyarihang Diyos ang ating Manlilikha o Creator.
Hindi basta pinaiiral ng Panginoong Diyos ang kamay na bakal o pagpapataw ng mahigpit na kaparusahan laban sa mga lumalabag sa kaniyang mga utos.

Dahil sa pananaw ng Diyos ang pinakamahalaga kumpara sa lahat ng kautusan ay habag para sa mga tao at pagkakaloob ng malawak na pang-unawa sa kanilang kalagayan.

May hihigit pa ba sa batas ng Diyos na puso at awa ang nangingibabaw kumpara sa batas ng tao na kamay na bakal ang umiiral.

Maaatim kayang parusahan ng Diyos ang mga Alagad ni Hesus na lumabag sa Kautusan ng Sabbath matapos pumipitas ng uhay kahit nagawa nila ito dahil kumakalam ang kanilang sikmura sa gutom?

Ganoon din sina David, dapat rin ba silang parusahan dahil kinain nila ang haing tinapay para sa Diyos kahit wala silang makain?

Hindi ganoon kalupit ang ating Panginoon na madaling humatol sa mga lumalabag sa kaniyang kautusan tulad ng makikita sa karakter ng mga Pariseo?

Sapagkat ang unang umiiral sa Diyos ay ang batas ng puso sa pamamagitan ng kaniyang nag-uumapaw na pag-ibig.

Ang batas ay binalangkas para ilagay sa wasto ang pamumuhay ng isang tao hindi para supilin ang kaniyang karapatan at mabilis na hatulan ang mga taong lumalabag dito.

Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na gaya ni Jesus, nawa’y magkaroon din tayo ng konsiderasyon at pang-unawa sa ating kapwa. Maaaring nagkakaroon sila ng pagkakamali dahil wala naman taong perpekto.

Kaya mahalaga na unawain din natin ang kanilang kalagayan bago natin sila husgahan.

Tulad ng mga Alagad ni Hesus. Nawa’y alamin muna natin ang dahilan kung ano ang nagbunsod sa kanila para gawin ang ganoong bagay.

Manalangin Tayo:

Panginoong Hesus. Katulad mo, nawa’y magkaroon din kami ng konsiderasyon at pang-unawa sa aming kapwa.

Nawa’y tulungan mo kaming huwag maging padalos dalos sa aming panghuhusga at paghatol laban sa aming kapwa gaya ng naging karakter ng mga Pariseo sa Ebanghelyo.

AMEN