Bitrics2

Walang bahid pulitika impeachment vs VP Sara

Mar Rodriguez Mar 2, 2026
126 Views

BINIGYANG diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang gagawing deliberasyon ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi “sarsuela” at walang bahid ng politika.

Ito ang paglilinaw ng Speaker kasunod ng pagsisimula ng pagtalakay ng Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa impeachment complaint laban kay VP Duterte.

Iginigiit ng House leader na sa ilalim ng Saligang batas, mayroong tungkulin ang Kamara de Representantes sa pamamagitan ng Justice Committee na tukuyin at determinahin kung ang nasabing reklamo ay supisiyente at may sapat na porma.

Ipinaliwanag pa ni Dy na ang inihaing impeachment complaint ay hindi tungkol sa mga personalidad na nasasangkot sa iregularidad bagkos ay tungkol umano sa mga institusyon.

Pagdidiin nito na ang bawat elected officials kabilang na ang Pangalawang Pangulo ay nararapat lamang na tratuhin ng parehas, walang kinikilingan at ang mga alegasyon laban kay VP Sara ay kinakailangang suriing mabuti.

“Every elected official, including the Vice President, deserves fairness, due process and presumption that allegations must be examined carefully and judiciously,” sabi ni Speaker Dy.

Dagdag pa ni Dy na ang kaniyang tungkulin bilang Speaker ay hindi ang husgahan agad ang magiging resulta ng ginawang pagtalakay kung saan hindi rin nito iimpluwensiyahan ang deliberasyon ng Komite sa halip ay paiiralin ang propesyunalismo.

“Ang aking tungkulin bilang Speaker ay hindi husgahan agad ang magiging resulta, ni impluwensiyahan ang mga talakayan ng komite,” pahayag ng House Speaker.