PCO

Walang Cha-cha sa kickoff rally ng Bagong Pilipinas

Chona Yu Jan 27, 2024
153 Views

HINDI gagamitin sa Charter change ang ikakasang “Bagong Pilipinas” kickoff rally ngayong Enero 28 sa lungsod ng Maynila.

Ito ang ginawang paglilinaw ng Presidential Communications Office sa gitna ng mga ulat na sasamantalahin ng pamahalaan ang kick off rally para sa Cha-cha.

Ayon kay PCO Undersecretary Gerard Baria, ang nasabing aktibidad ng ehekutibo ay hindi para sa Cha-Cha kundi pagpapakita lamang ng commitment sa kanilang trabaho at wala nang iba pang dahilan.

“[Charter change] is within the territory of Congress; it is not part of the responsibilities of the Executive. The focus tomorrow will be specifically for Bagong Pilipinas… to communicate the government’s commitments to level up services,” ayon pa kay Baria.

Siniguro din ito ni PCO director Cris Villonco at sinabing bilang nangangasiwa ng event na hindi Cha-cha ang kanilang pakay.

“We are talking about empowering the Filipino at its very core,” giit pa niya.

Pahayag pa ni Barias na nanggugulo lamang ang mga nagsasabing ang gagawing rally ay pagkukunyari para isulong ang Cha-cha.

Nauna nang sinabi ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na ang gagawing pagtitipon ay pag aaksaya lamang ng pondo ng bayan.

Iginiit naman nina Baria at Villonco na ang kahalagahan ng Bagong Pilipinas ay dapat lang ipagmalaki at ipamalita dahil kailangan natin ito at ang tulong ng lahat.