Calendar
Walang confi fund item sa 2022 OVP budget na susuporta sa hininging P125M ni VP Sara
WALA umanong item na confidential fund sa 2022 budget ng Office of the Vice President (OVP) na mapaglalagyan ng P125 milyon na hiningi ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability ngayong Miyerkules.
“No such item or appropriation in the OVP budget,” sagot ni DBM Undersecretary Rolando Toledo sa tanong ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
Ayon kay Toledo, ang hininging confidential fund ni Duterte ay binigyang-katwiran na bahagi ng kanyang “governance engagement and socio-economic programs.”
Kinuha umano ang hininging P125 milyong pondo ni Duterte sa contingent fund ng 2022.
Kinuwestyon sa Korte Suprema ang constitutionality ng pagkakaroon ng confidential fund ng OVP. Hindi pa ito naglalabas ng desisyon.
Ayon sa Commission on Audit (COA), naubos ang P125 milyong pondo sa loob lamang ng 11 araw, o gumastos ang OVP ng P11.364 milyon kada araw mula Disyembre 21 hanggang matapos ang 2022.
Sinilip ng COA ang naging paggastos ng OVP sa naturang pondo at naglabas ito ng Notice of Disallowance sa paggastos ng P73 milyon na bahagi ng P125 milyong pondo.
Ginastos umano ang P73 milyon sa pambili ng “various goods,” gamot, lamesa, upuan, desktop computers at printers na hindi pinapayagang gastusan ng confidential fund.
Ayon sa COA, ang desisyon laban sa paggamit ng pondo ay maaaring iapela sa COA proper o ibalik ang naturang pera sa gobyerno.
Mayroon umanong 180 araw ang OVP upang iapela ang desisyon habang ang COA proper ay mayroong dalawang buwan upang maglabas ng pinal na desisyon.
Kinuwestyon naman ni Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Paduano ang napakahabang oras na maaaring gugulin bago makapaglabas ng pinal na desisyon ang COA.
Sinabi naman ni Cagayan Rep. Joseph Lara na ang walong buwang paghihintay bago mailabas ang desisyon ay bumibitin sa paghahain ng kasong kriminal sa mga opisyal na mali ang ginawang paggamit ng pondo.
“Worse, you are being perceived as in cahoots with these officials or employee, which is not fair to you,” aniya.