Calendar
Walang ebidensyang nag-uugnay kay Romualdez sa mga’ anomalya’ sa flood control projects
SINABI nitong Huwebes ng tagapagsalita ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na walang anumang ebidensya na nag-uugnay sa mambabatas sa mga umano’y maanomalyang flood control project, at iginiit na ang mga akusasyon ay hindi tumutugma sa aktuwal na proseso ng pagbuo at pagpapatupad ng pambansang badyet.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Elaine A. Atienza na sa kabila ng mga imbestigasyon ng Senado, Kamara, at iba pang opisyal na pagsisiyasat, wala ni isang dati o kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagturo kay Romualdez na sangkot sa pagpaplano, procurement, pagpapatupad, inspeksyon, pagbabayad, o pagpapalabas ng pondo para sa alinmang umano’y “ghost” flood control project.
Idinagdag niya na maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na may direktang kaalaman sa operasyon ng departamento, ay hindi kailanman idinawit ang kinatawan ng Leyte.
“Simple lang kung bakit—dahil hindi sangkot si Rep. Romualdez,” ani Atienza.
Ayon sa kanya, hindi isinasaalang-alang ng mga paratang ang tunay na paraan ng pagbuo at pagpapatupad ng pambansang badyet.
“Ang isyu ay nagsisimula sa proseso ng pambansang badyet. Sa prosesong iyan, walang iisang tao—kahit pa ang Speaker ng Kamara—ang may ganap na kontrol,” aniya.
Ipinaliwanag ni Atienza na ang National Expenditure Program ay inihahanda ng Ehekutibong Sangay sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at ng mga implementing agency, kabilang ang DPWH, bago ito isumite sa Kongreso para talakayin at pagbotohan ng Kamara de Representantes at Senado.
“Walang Speaker ang maaaring magdikta sa mga kalihim ng Gabinete. Hindi rin niya maaaring diktahan ang mga senador, na may sarili nilang malayang kapangyarihang itinakda ng Konstitusyon. Pantay-pantay sila bilang mga halal na opisyal. Primus inter pares,” ani Atienza.
Binigyang-diin niya na sa sandaling maging batas ang badyet, “wala nang anumang awtoridad” ang Speaker sa proseso ng bidding ng mga proyekto, paggawad ng kontrata, pagpapatupad, inspeksyon, pagbabayad, o pagpapalabas ng pondo ng gobyerno.
“Hindi niya saklaw ang pagpapalabas ng badyet. Ang mga tungkuling iyon ay nakatalaga sa Ehekutibong Sangay ayon sa batas,” ani Atienza.
Dagdag pa niya: “Hindi kayang utusan ng Speaker ang Kalihim ng DPWH. Hindi niya kayang diktahan ang DBM o ang Senado. At lalong hindi siya ang nagpaplano ng proyekto, nagsasagawa ng bidding, nagbibigay ng kontrata, nag-iinspeksyon, o nagpapalabas ng pondo.”
Ayon kay Atienza, kung ipipilit na si Romualdez ang umano’y “mastermind,” mangangahulugan itong dapat paniwalaan ng publiko na iisang tao lamang ang kumokontrol sa bawat yugto ng proseso ng badyet at mga proyektong pang-imprastraktura.
“Ang gustong palabasin ng iba ay parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon,” ani Atienza.
Iginiit niya na ang pananagutan ay dapat mapunta sa mga taong tunay na may legal at operasyonal na kapangyarihan sa mga proyekto.
“Kung may iregularidad sa anumang proyektong pang-imprastraktura, ang mga taong tunay na may legal at operasyonal na awtoridad ang dapat matukoy at papanagutin. Ang pananagutan ay dapat ibatay sa ebidensya, hindi sa kaginhawaan ng pulitika,” ani Atienza.
“Kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lamang may maipakita sa publiko,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Atienza na inilalarawan si Romualdez bilang isang “maginhawang dahilan at political scapegoat” sa kabila ng kawalan ng ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa mga umano’y maanomalyang proyekto.
“Sa huli, iisa lamang ang pamantayan ng hustisya. Sa paghahanap ng hustisya, hindi maaaring mauna ang akusasyon bago ang ebidensya. Sa batas, ang ebidensya ang nagtuturo kung sino ang dapat managot,” pagtatapos ni Atienza.

