Ridon1

Walang grave abuse of discretion sa impeachment proceedings ng Justice panel vs VP Duterte — Ridon

81 Views

WALANG batayan upang sabihing nagkaroon ng grave abuse of discretion ang House Committee on Justice sa pagpapatuloy ng mga reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, at nananatiling naaayon sa Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara ang mga pagdinig.

Ito ang sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, bilang tugon sa mga pagtatangkang ilarawan ang proseso bilang may legal na kakulangan. Ayon sa kanya, ginagawa lamang ng komite ang hinihingi ng batas at ng Konstitusyon sa yugtong ito.

“Sa tingin ko, walang grave abuse. Kahit nga hindi grave abuse, sa tingin ko wala talagang ganoon,” diin ni Ridon, na miyembro rin ng House Committee on Justice.

Dagdag pa ni Ridon, ang mga hakbang ng panel ay nakabatay sa malinaw na mandato ng Konstitusyon na magpatuloy sa proseso kapag napatunayang sapat ang reklamo sa anyo at nilalaman.

“Dahil ang lahat ng ginagawa ng House Committee on Justice ay nasa loob ng mandato ng Konstitusyon. Inaatasan kaming magsagawa ng pagdinig matapos matukoy ang sufficiency in form and substance—iyan ang una,” paliwanag ni Ridon.

Aniya, ang kapangyarihan ng komite sa ilalim ng House rules ay hindi lamang limitado sa pagtanggap ng mga dokumento, kundi kabilang din ang pagsasagawa ng pagdinig at pagkuha ng karagdagang ebidensya sa pamamagitan ng mga compulsory process tulad ng subpoena.

“Pangalawa, sa ilalim ng House rules, may karapatan ang House Committee on Justice na magsagawa ng pagdinig matapos ang pagtukoy sa sufficiency in form, substance at grounds, at makakuha ng karagdagang ebidensya sa pamamagitan ng mga compulsory process gaya ng subpoena,” ani Ridon.

Binigyang-diin din ni Ridon na kinilala mismo ng Korte Suprema, sa desisyong Duterte vs. House, ang kapangyarihan ng komite na tumanggap ng ebidensya sa takbo ng mga pagdinig.

“At kabilang sa pagtanggap ng ebidensya ay iba’t ibang uri nito, tulad ng documentary at testimonial evidence,” ani Ridon.

Tinanggihan niya ang argumento na limitado lamang ang komite sa mga dokumentong kalakip noong isinampa ang reklamo, at sinabing mali ang ganitong pananaw dahil pinaliliit nito ang saklaw ng fact-finding role ng panel.

“Kaya hindi totoo ang sinasabi nila na hindi maaaring kumuha ng karagdagang ebidensya ang House Justice Committee. Hindi tayo nakatali sa mga ebidensyang isinumite noong oras ng paghahain,” giit ni Ridon.

Upang patibayin ang kanyang punto, inihalintulad niya ito sa mga patakaran sa preliminary investigation, kung saan maaari ring gumamit ng subpoena upang makakuha ng dagdag na ebidensya bago magpasya kung itutuloy ang kaso.

“At muli, ang layunin nito ay katarungan—para malaman talaga, sa antas ng preliminary investigation at sa bahagi namin sa hearing proper, kung dapat bang magpatuloy o huminto ang ating proceedings batay sa umiiral na ebidensya,” ani Ridon.

Tungkol naman sa susunod na nakatakdang pagdinig, nilinaw ni Ridon na ang kawalan ng temporary restraining order mula sa Korte Suprema ay nangangahulugang magpapatuloy ang pagdinig sa Abril 14.

“Ang inaasahan natin sa darating na Martes, Abril 14, ay wala nang makakapigil sa pagdinig na ito,” ani Ridon.

Ibinasura niya ang pinakahuling petisyon laban sa impeachment proceedings bilang pag-uulit lamang ng mga naunang argumento, at sinabing mas mahalaga ang petisyong inihain mismo ng Pangalawang Pangulo dahil siya ang may legal na interes sa usapin.

“At dahil hindi naglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema, at inatasan lamang ang House of Representatives at iba pang respondents na magsumite ng komento, magpapatuloy ang mga pagdinig na magsisimula sa Abril 14,” diin ni Ridon.

Dagdag pa ni Ridon, inaasahan na tatalakayin sa nasabing petsa ang mga subpoenaed na saksi, personalidad, dokumento, at iba pang ebidensya, kabilang ang testimonya at affidavit ni Ramil L. Madriaga, na inaasahang susuriing mabuti ng mga miyembro ng komite ang kanyang kredibilidad.