Tsina

Walang manok ng admin ang natutuwa sa ginagawa ng Tsina sa WPS — PBBM

Chona Yu Feb 11, 2025
11 Views

WALA sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pumapalakpak habang binobomba ng China ang mga Filipinong mangingisda sa West Philippine Sea.

Sa proclamation rally sa Laoag, Ilocos Norte, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat na tingnan ng mga botante ang rekord ng mga kandidato ng administrasyon.

“Wala sa kanila ang pumapalakpak sa China at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang huli at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, nasa sangandaan ngayon ang Pilipinas sa paglalakbay bilang isang malayang bansa.

“Bilang isang sambayanang may dangal, may sipag, at may talino. Tayo ba ay papayag na babalik sa panahong kung kailan gusto ng ating mga liderato na maging probinsya tayo ng Tsina?” tanong ni Pangulong Marcos.

Kasama sa senatorial slate ng administrasyon sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos. Francis Tolentino, Senator Ramon ”Bong” Revilla Jr., dating Senator Manny Pacquiao, Panfilo Lacson Vicente Sotto III, at Deputy Speaker Camille Villar at dating Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo.