Zamora San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora

Walang “mini-trial,” pagdinig ng Kamara sumunod sa due process sa impeachment ni VP Sara — Zamora

121 Views

IPINAGTANGGOL ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora ang Kamara laban sa mga pahayag na nagsasagawa ito ng isang “mini-trial” kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.

Binigyang-diin niya na ang hakbang ng komite sa hustisya na imbitahan ang respondent ay bahagi ng due process na hinihingi ng umiiral na mga desisyon ng Korte Suprema (SC).

Si Zamora, na bise tagapangulo ng House Committee on Justice, ay nagpunto na ang kampo ni Duterte mismo ang naunang kumuwestiyon sa paraan ng paghawak ng Kamara sa impeachment complaint, lalo na ang hakbang na direktang ipadala ang articles sa Senado nang hindi dumaraan sa proseso ng komite.

“Alalahanin ninyo noong nakaraang taon nang ihain namin ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo sa pamamagitan ng one-third vote, kinuwestiyon nila ito sa Korte Suprema dahil ang gusto nila ay dumaan sa Committee on Justice,” ani Zamora.

“At sa katunayan, ang desisyon ng Korte Suprema, na tila pabor sa kanila, ay nagsabing dapat dumaan ang Kongreso sa Committee on Justice at bigyan ang Pangalawang Pangulo o ang respondent ng due process,” dagdag pa niya.

“Iyon nga ang ginagawa namin. Sa katunayan, sila ang humiling na ganitong proseso ang sundin,” paliwanag ni Zamora.

Ang pahayag ng mambabatas ay lumabas matapos hindi dumalo si Duterte at ang kanyang mga abogado sa pagdinig ng Justice committee noong Marso 25, sa kabila ng kanilang imbitasyon.

Iginiit ng kanyang kampo na ang mga pagdinig ay labag sa Konstitusyon at tinawag itong isang “mini-trial.”

Tinutulan ni Zamora ang paglalarawang ito at nilinaw ang pagkakaiba ng ginagawa ng komite ng Kamara at ng papel na nakalaan sa Senado sa isang aktwal na impeachment trial. Ayon sa kanya, layunin ng pagdinig ng komite na tukuyin kung mayroong probable cause upang iangat pa ang usapin.

Iginiit niya na hindi nagsasagawa ng paglilitis ang komite kundi isinasagawa lamang ang paunang proseso na kinakailangan bago umusad ang kaso—isang hakbang na ayon sa kanya ay alinsunod sa parehong pamantayan ng due process na naunang iginiit ng kampo ni Duterte sa Korte Suprema.

Noong 2025, ipinasa ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado matapos suportahan ito ng 215 mambabatas, higit sa kinakailangang one-third ng kabuuang miyembro ng kapulungan.

Binale-wala rin ni Zamora ang mga legal na argumento ng kampo ni Duterte sa hindi pagdalo sa pagdinig, at sinabing likas lamang sa mga abogado na gamitin ang lahat ng posibleng argumento para ipagtanggol ang kanilang kliyente.

“Gagawin at sasabihin ng abogado ng isang kliyente ang lahat ng maaari nilang sabihin para lamang magkaroon ng dahilan sa hindi pagdalo sa mga pagdinig,” aniya.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Kamara, maaaring tumulong ang mga abogado ng parehong complainants at respondent sa kani-kanilang panig sa mga pagdinig ng komite, ngunit hindi sila maaaring direktang makilahok sa pagdinig tulad ng ginagawa ng mga abogado sa isang impeachment trial sa Senado.