Calendar
Walang personalan, trabaho lang
“WALANG personalan, trabaho lang.”
Ito ang sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasunod ng pagpasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill 9710 o panukalang bawiin ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nagpapatakbo ng Sonshine Media Network International o SMNI.
Sa kanyang talumpati bago magsara ang sesyon — binanggit ni Romualdez na ilang beses na nagdaos na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises ukol sa alegasyong paglabag sa prangkisa ng SMNI.
At nitong March 12, 2024, pinatawan ng “contempt” si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa kabiguang dumalo sa mga hearing.
Giit ni Romualdez, ang aksyon ng Kamara sa SMNI ay nagpapakita ng “commitment” ng Kapulungan na igiit ang integridad ng broadcasting standards, at tiwala ng sambayanan.
Dagdag ni Romualdez, ang pag-apruba ng Kamara sa SMNI franchise revocation ay pagpapatibay sa “special privilege” sa paghawak ng legislative franchise na may kaakibat na karapatan at tungkulin, na dapat na tuparin nang legal at wasto.
Sa huli, idiniin ng Speaker na tinutupad lamang ng Kamara ang mandatong ini-atang sa kanila ng Konstitusyon at ng taumbayan.