Wangkay ‘Tinangka ni John Kenneth Eclevia ng Puerto Princesa na umiskor laban sa Negros Occidental. PSC photo

Wangkay, fastest boy sa Batang Pinoy

76 Views

PIERTO Princesa City – Tinanghal si Pi Durden Forward Wangkay ng City of Biñan at tatlong iba pa na mga pinakamabilis na kabataang atleta sa pagwawagi nito sa gintong medalya at bagong athletics record sa 100m run sa pinakahuling araw ng ginaganap dito na 2024 Batang Pinoy National Championships sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Itinala ng 25-anyos na si Wangkay ang new meet record na 10.88s sa tampok na century dash upang angkinin ang kanyang unang gintong medalya ngayong edisyon bagaman ikalawa nitong record sa multi-sports na kompetisyon matapos na magwagi sa 400m event na ginanap noong 2022 sa Vigan City, Ilocos Sur.

Iniuwi naman nina Samantha Martinez ng Davao Del Norte ang ginto sa girls U16 100m dash (12.6s), Angel Villagracia ng Capiz (12.74s) sa women’s U18 at si Elreb Taduran ng City of Quezon (11.08s) upang tanghalin na pinakamabibilis na mga atleta sa torneo.

Hindi naman nagpaiwan ang host City na Puerto Princesa matapos magwagi si Ken Lucero sa boys jump Under 18 sa tinalon nitong 6.66 metro na kabilang din sa mga bagong naitalang record sa multi-sports na kompetisyon.

Nagtala din sina Jerico Cadag ng City of Dasmariñas ng bagong record sa 2,000m steeplechase (6:09.35m) at John Clinton Abetong sa U18 200m, Jazniere Butg ng Benguet sa Boys U18 Javelin Throw, Eric Joachim Hechanova ng Pangasinan sa boys 5,000m (15:57.24m), at Angel Villagraca ng Capiz sa women U18 100m hurdles (14.63s).

Hindi naman napigilan si Albert Jose Amaro II na angkinin ang pangatlong bagong record sa pagwawagi sa Boys 16-17 200m freestyle sa pagtatala ng mabilis na 1:57.04 oras.

Tinabunan nito ang dating meet record na 1:59.94 na itinala ni Paolo Miguel Labanon ng Davao City noong Disyembre 12, 2023.

Nagtala din si Catherine Cruz ng Mabalacat City ng record sa 100-m backstroke sa 1.08.32 oras na tinabunan ang dating record ni Ishaelle Mae Villa (1:09:15s).

Ang 16-anyos na si Cruz ay binura din ang 200-m breaststroke (1:06.78) sa pagtabon sa record ni Mikaela Talosig (2:29.61).

Nagawa din ni Jaime Uandorr Maniago ng Quezon City itala ang ikalawang record sa Boys 16-17 50m Breaststroke sa pagbura sa 30.64s na itinala ni Morie Pabalan ng Pasig City nakaraang taon sa pagsumite ng mabilis na 30.50 oras.

Nag-ambag din ng bagong record sa Girls 16-17 50m breaststroke si Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City sa kanyang 34.67segundo na tiyempo sa pagtabol sa dating record na 34.95 ni Beatrize Maria Mabalay ng Sorsogon.

Tinanghal si Arvin Naeem Taguinota II ng Pasig City na may pinakamaraming ginto sa pagwawagi sa kanyang ikaanim sa Boys 12-13 4x50m Medley Relay sa oras 2:03.69 minuto kasama sina Charles Ezekiel Canlas, Jefferson Saburlase, at Marcelino Picardal III.

Ang iba pang nakapagwagi ng maraming ginto ay sina Sophia Rose Garra ng City of Malabon, Kyla Louise Bulaga ng San Fernando City La Union at FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City.

…Iniuwi naman nina Shainnah Althea Guboc at Nieva Marie Tamayo ng Ilocos Norte ang gintong medalya matapos biguin ang nakatapat na Davao City sa iskor na, 10-21, 21-16 at 15-12, sa finals ng Beach Volleyball.

.Nagkampeon ang Cebu sa Women’s Under 17 sa Futsal habang kampeon ang Puerto Princesa sa pagbigo nito sa Negros sa Mens Under 17.

.Samantala’y halos abot kamay na ng City of Pasig ang unang pangkalahatang korona sa kada taon na torneo sa pangunguna at posibleng pagputol nito sa limang sunod na taon na dominasyon ng Baguio City.

Tinipon ng Pasig ang kabuuang 83 ginto, 49 pilak at 88 tanso para sa kabuuang 220 medalya habang naiwan ang City of Baguio sa pangalawang puwesto na may 63 ginto, 53 pilak at 58 tanso para sa kabuuang 174 medalya.

Pangatlo ang Quezon City (45-43-45=133), pang-apat ang Davao City (35-35-28=98) at panglima naman ang Cebu City (28-32-27=87).

Iuuwi ng City of Pasig ang insentibo na P5-milyon bilang kampeon habang ang Baguio ay may P4-milyon.

Ang Quezon City ay may P3-milyon habang P2-milyon sa Davao.

Ang Cebu ay iuuwi ang P1-milyon.