Campus Ang West Visayas State University-Lambunao Campus matapos masungkit gold sa raiders competition.

West Visayas State U nag-kampeon sa ROTC

103 Views

INDANG, Cavite – Tinanghal ang West Visayas State University-Lambunao Campus bilang pinakaunang kampeon ng mahirap na Raiders Competition habang iniuwi ng mga Navy cadets ang siyam na gintong medalya sa swimming at lima sa athletics para pamunuan ang 2024 Reserve Officers Training Corps (ROTC) National Championships na ginaganap dito sa Cavite State University-Main Campus.

Binalewala ng 9-katao na miyembro ng Philippine Air Force ang limang mahirap na hamon na Fitness Challenge, Tire Flip, One Rope Bridge, 5km Team Run at Truck Pushing sa pagtatala ng pinakamabilis na oras na 33.53 minuto upang matala sa kasaysayan ng multi-sports na torneo para sa mga estudyanteng kadete bilang unang kampeon.

Ang koponan ay binubuo nina Jenny Legario, Mary Love Dongor, Anabella Faith Caro, Romnick Pregua, Karl Adrian Subaldo, John Kenneth Guilaran, Rogen Caspillo, John Salvaloza at Christian Doney Casten.

Pumangalawa ang Bulacan Agricultural State College (PA) at pangatlo ang Sibugay Technical Institue Inc. (PA). Nasa pang-apat hanggang pang-anim ang Maritime Academy of Asia and the Pacific (PN), Ilo-Ilo Science and Technology (PA), at Philippine State College of Aeronautics (PAF).

Mayroon na sa kabuuan na 22 gintong medalya ang Navy matapos na sisirin nina Kirk Dominique Reyes at Kyla Janelle Chua ng De La Salle-Taft ang tig-limang medalya bawat isa kabilang ang nilangoy na tatlo noong Miyerkules para agad na pamunuan ang Philippine Navy sa De La Salle Aquatic Center sa Dasmarinas, Cavite.

Nagawa naman ng Air Force cadet na si Phil Jabez Alejandro ng PHILSCA-Fernando Air Base Campus, Lipa City na makaagaw ng medalya sa dominasyo ng Navy sa pagwawagi sa men’s 200-m freestyle sa 2:20.23 oras.

Idinagdag naman ng 18-anyos na si Reyes ang men’s 100- butterfly (1:02.69) at men’s 50-m breastroke (32.38-sec) sa kanyang koleksiyon na tatlo noong Martes habang ang 18-anyos na si Chua ay nagwagi sa women’s 50-m breaststroke (40.30-sec) at 100-m butterfly (1:10.20).

Ang Navy teammate nito na si Francine Shane Lugay ay nagwagi din ng tatlong gintong medalya MIyerkules, na ang una sa women’s 200-m freestyle (2:33.43) at 100-m backstroke (1:14.14) bago ang women’s 200-m backstroke (2:51.14).

Ang iba pang nagwagi sa Navy ay si Marvic Iguidez sa men’s 100-m backstroke (1:10.32) at 200-m backstroke (2:40.35).

Sa ginaganap na athletics sa CAVSU track oval, wagi sina Guhan D. Garcia at Geremae Domalanta sa men at women’s 200-m dash kung saan nagawa ng 20-anyos na si Garcia ng Virgen Milagrosa University Foundation, Inc. sa San Carlos City, Pangasinan na iwanan ang dalawang Air Force cadets na sina Romeo de la Cruz Ojeno at Peter Mines Molina ng West Visayas State University sa Iloilo City sa huling 10 metro upang agawin ang ginto sa 21.6 segundo.

Split of a second lamang ang naging labanan kina Ojeno at Molina sa ikalawang puwesto sa parehas na 21.7 segundo.

“It was very closed,I was just ahead by a shoulder length. Talagang binuhos ko lahat ng energy ko sa huling metro,” sabi ng 2nd year B.S. Physical Education student na si Garcia.

“Mas nahirapan ako dito sa ROTC Games kaysa PRISAA. Akala ko matatalo na ako, buti na lang naungusan ko pa sa huling metro. Salamat kay God. Hindi niya akong pinayagang matalo,” sabi ni Garcia ng Malasiqui, Pangasinan.

Nalasap din ng 19-anyos na si Domalanta, mula din sa Navy at Virgen Milagrosa University Foundation, ang katulad na higpit ng labanan mula kina Army cadet Janice Patou, na Army cadet sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.

Ang B.S. Physical Education student ay tinawid ang finish line sa 26.1 segundo habang si Patou ay kapos lamang sa oras na 26.8 segundo. Ang Army cadet na si Macaila Jane Requirme, ang long jump Queen noong Lunes, ay nagkasya sa tanso sa 27.3 segundo.

Binalewala din ni Air Force cadet Romeo Gange Constancio ng University of Negros Occidental-Recoletos ang hamon ni Army cadet Charles Fernando sa men’s long jump. Ang third year Criminology student na si Constancio ay tumalon ng 6.57-metro para sa gintong medalya.