Calendar
Wholesaler ng bigas sa Davao pinaiimbestigahan sa BIR, PCC
Kaugnay ng di magkakatugmang datos ng importasyon
PINAIIMBESTIGAHAN ni Sultan Kudarat 2nd District Rep. Horacio Suansing Jr. sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Competition Commission (PCC) ang isang malaking wholesaler ng bigas na nakabase sa Davao kaugnay ng hindi magkakatugmang importation data nito.
Ayon kay Suansing, base sa ulat may malalaking pagkakaiba sa mga rekord ng pag-aangkat ng bigas ng negosyanteng taga-Davao na si Stewart Santiago at ang kumpanya nitong Nance II AgriTraders at Davao Solar Best Corporation.
Nanawagan si Suansing ang pagsasagawa ng imbestigasyon BIR at PCC upang matiyak ang pananagutan at transparency sa proseso ng pag-angkat ng bigas.
Ang House Quinta Committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ay kasalukuyang nag-iimbestiga sa mga importer ng bigas dahil sa mga iregularidad na maaaring makaapekto sa katatagan ng merkado at kita ng pamahalaan.
Ang mga ibinunyag ni Suansing ay kabilang sa mga mahahalagang isyung tinalakay sa pagdinig noong Miyerkules, kung saan binanggit niya ang mga hindi pagkakatugma sa datos ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Plant Industry (BPI).
Habang ang Bureau of Plant Industry (BPI) ay nagbigay lamang ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para sa 48,852 metriko tonelada noong 2022, lumalabas naman sa mga rekord ng Bureau of Customs (BOC) na ang mga kumpanya ni Santiago ay nag-angkat ng kabuuang 348,011 metriko tonelada, na labis ng 299,159 metriko tonelada.
“Per BOC records, Nance II and Davao Solar Best imported a total volume of 348,011 metric tons. But the problem, Mr. Chair, as per BPI data, they were only issued SPSICs for 48,852 metric tons. There is a discrepancy of 299,159 metric tons. Hindi ito nadeklara. May discrepancy,” ayon sa pahayag ni Suansing sa ginanap na pagdinig.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga ganitong iregularidad ay maaaring magdulot ng mas malalalim na problema sa sistema ng regulasyon ng pag-angkat, na posibleng magdulot ng malawakang large-scale misdeclarations at pang-aabuso sa mga clearance na ibinibigay ng gobyerno.
“‘Pag tinotal mo itong dalawang korporasyon, meron 299,159 metric tons na discrepancy. Para sa akin, Mr. Chair, kailangang ayusin ito,” giit pa nito.
Tinanong din ni Suansing si Santiago kung ang mga kumpanya nito ay nagbabayad ng tamang buwis.
Ipinakita sa mga rekord na iniharap sa pagdinig na ang Nance II AgriTraders at Davao Solar Best ay nagbayad ng P2.8 bilyon sa buwis at taripa noong 2023, at mas maliit na halaga sa mga nakalipas na taon.
Sinabi ni Santiago na ang kanyang kompanya ay kumikita lamang ng piso hangang sa P1.50 sa kada kilo ng imported na bigas, at umaasa lamang sa dami ng maibebenta upang kumita. \
“Per our record, in 2021 and 2022, your two companies paid only P650 million in duties and taxes. In 2021, you paid P1.6 billion. In 2022, you paid P2 billion. In 2023, it’s P2.8 billion,” saad ni Suansing.
“Kung piso lang ang kita per kilo, patingnan natin sa BIR kung ang piso na ‘yan, deklarado,” ayon kay Suansing, na hiniling sa BIR na beripikahin ang katotohanan ng financial declarations ng kompanya.
Tiniyak ng mga kinatawan ng BIR sa komite na kasalukuyan nilang nire-review ang tax records ng mga pangunahing importer ng bigas at magrerekomenda ng mga nararapat na aksyon batay sa kanilang mga natuklasan.
Kinastigo rin ni Suansing ang Department of Agriculture (DA) at ang Bureau of Plant Industry (BPI) dahil sa hindi mahigpit na pagbabantay sa pag-angkat ng bigas.
Binanggit pa ni Suansing ang umano’y awtomatikong pag-apruba ng SPSIC noong nakaraang administrasyon bilang posibleng dahilan ng mga iregularidad, tulad ng pag-recycle ng mga permit sa pag-angkat.
“Hindi pwede na ganito ang laki ng discrepancy. Ano sa tingin mo, Mr. Santiago? Bakit mas malaki ang volume ng importation mo per records of Customs vis-à-vis sa record ng BPI?” Tanong pa ng mambabatas.
Bagamat inamin ng mga opisyal ng DA na maaring ang awtomatikong pag-apruba ay nakapag-ambag sa mga discrepancy, sinabi naman ni Suansing na hindi sapat ang paliwanag para sa malaking pagkakaiba sa import data.
Sinabi ni Suansing na may malaking impluwensya si Santiago sa rice market, kung saan aniya ang Nance II AgriTraders and Davao Solar Best ang may kontrol sa 10 porsiyento ng rice import sa bansa.
Hinimok niya ang PCC na magsagawa ng imbestigasyon sa posibleng hindi patas na kumpetisyon ng mga kumpanya.
“Ito kasing number one ang Nance II, number six itong Davao Solar Best. Pag kinumbine mo sila, halos 10% ng buong importation ng Pilipinas hawak nila. So I would like to solicit the comment of the [PCC],” ayon pa kay Suansing.
Nangako ang PCC na susuriin ang mga aktibidad ng mga kumpanya at isusumite ang kanilang mga natuklasan sa komite.
Sa pagtatapos ng kanyang interpelasyon, binigyang-diin ni Suansing ang kahalagahan ng pagtutok sa mga iregularidad na ito upang protektahan ang mga mamimili at mapatatag ang merkado ng bigas.
“At least nakita natin ito… Sa tingin ko, kailangan ayusin ito,” saad pa ng mambabatas.
Inaasahan ang mga kasunod na pagdinig mula sa Quinta Committee upang tiyakin ang wastong pagbabantay at magtakda ng mas mahigpit na mga patakaran sa pag-angkat ng bigas, kung saan mahalaga ang pagbibigay ng update mula sa BIR, PCC, at DA sa paglutas ng mga isyung ito.