Willie Revillame

Willie Revillame viral ang pamamahiya

Vinia Vivar Jul 19, 2024
73 Views

VIRAL ngayon ang video ni Willie Revillame kung saan ay makikitang tumatalak siya sa staff sa episode ng bago niyang show sa TV5 na Will to Win.

During the live show, nagkaroon ng mga pagkakamali ang staff, kabilang na ang spinner sa opening segment, gayundin nang maglakad ang floor director sa harap ng camera at hindi kaagad naibigay ang mga gagamiting materyales para sa isang segment.

Sa isang clip kung saan ay nagkamali ang isang staff, mapapanood na sinasabi ni Willie na “Diyos ko, aatakehin ako sa inyo dito!”

Kitang-kita na dismayado talaga ang TV host at halos ma-high blood nga sa mga kapalpakang nangyari.

“Naiintindihan niyo ba ako kung bakit ako nagagalit? ‘Yan po ang problema ‘pag hindi alam ang ginagawa sa show. Ako lahat ang nananagot,” aniya.

“Tapos sasabihin niyo mayabang na naman ‘yan, bina-bash n’yo ako. Kasi pinapaganda ko ang programa,” dagdag niya.

Ipinagtataka rin niya na nag-rehease na nga sila bago pa ang live show, nagkakamali pa rin ang staff.

“Nire-rehearse namin ‘to, ha? ‘Pag ni-rehearse, nagkakamali pa rin kami. Bakettt??

“Tapos, sasabihin n’yo, ‘papagalitan na naman niya,’ bina-bash n’yo ako. Nakita n’yo, ‘yung floor director namin, dumaan sa camera. Floor director ‘yun, may head phone ‘yan,” talak niya.

“Hindi, gusto ko lang maliwanag, kasi ako ang nagiging kawawa’t mayabang, arogante rito sa show na ito,” patuloy niya.

“Maawa kayo sa ‘kin. Lahat, ako nag-iisip para sa inyo,” litanya pa niya.

Dahil dito ay katakut-takot na pangba-bash nga ang naranasan ni Willie mula sa netizens.

Sabi nila, parang sila ang napapahiya para sa mga staff na sinasabon ng TV host on air.

“Ang problema pinapahiya niyo sila on air. Hindi ba pwede kausapin mo sila backstage nakakatense ka panoorin. Pati ang mga contestant hindi nakangiti kasi ang nega ng energy/environment,” komento ng isang netizen.

Well, sa napanood namin, may point si Willie na magalit sa mga pagkakamali na hindi naman talaga biro dahil live show sila at hindi taped.

Tulad ng pagdaan ng floor director sa camera, naloka rin kami dahil confident na confident siyang dumaan talaga na ni hindi nga nakayuko man lang na parang nagpapasintabi.

Talagang dire-diretso siya na tila proud na proud siya na ewan kung sinasadya or whatever.

Pero may point din naman ang netizens na sana, talakan ni Willie ang staff after the show dahil siyempre, napapahiya nga naman sila sa publiko.

Anyway, ang masasabi lang namin, pati kami ay na-stress habang pinapanood siya, sa totoo lang. Na-stress kami for him at sa mga staff na pinapagalitan niya.