Gatchalian

Win gustong iangat literacy, kakayang magbasa ng mga mag-aaral

15 Views

BINIGYANG-diin ni Sen. Win Gatchalian ang pangangailangan sa pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa dahil mahalagang hakbang ito sa pagtugon sa krisis sa edukasyon sa gitna ng pagdiriwang ng National Reading Month ngayong Nobyembre.

Kasunod ng paglagda sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028), umaasa si Gatchalian na maipatutupad ang mga sistematikong tutorial sessions at interventions plans na mag-aangat sa literacy at reading proficiency ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng batas na akda at isinulong ni Gatchalian, itatatag ang ARAL Program upang magbigay ng pambansang learning intervention program na titiyaking nakakamit ang mga essential skills at natutugunan ang learning loss ng mga mag-aaral.

Saklaw ng ARAL Program ang mga essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum, lalo na sa reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10 at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.

Layunin din ng programa na patatagin ang literacy at numeracy competencies ng mga mag-aaral sa kinder upang patatagin ang kanilang foundational skills.

Binalikan ni Gatchalian ang mga naging resulta ng international large-scale assessments upang bigyang diin ang pangangailangang iangat ang reading proficiency ng mga mag-aaral.

Lumabas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na pang-76 sa 81 na bansa ang Pilipinas pagdating sa reading.

Lumabas din sa naturang assessment na 76% ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang hindi nakamit ang minimum proficiency sa pagbabasa.

Isinusulong din ni Gatchalian na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre.

Layunin ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) ang pagsasagawa ng mga reading activities upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral sa kanilang mga komunidad.