Calendar
Win hiniling bukas na pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo
NAIS ni Senador Sherwin Win Gatchalian na maging malinaw at bukas ang anumang paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagpapatibay ng batas upang matiyak na ang kapakanan at interes ng mga mamimili ay lubos na napoprotektahan.
“Upang masiguro ang transparency at patas na pagpepresyo o fair retail pricing, ang anumang impormasyon na may kaugnayan sa adjustment sa presyo ng langis ay dapat na isapubliko, “sabi ni Gatchalian.
Kamakailan lang ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagpapatibay sa desisyon ng Court of Appeals hinggil sa kapangyarihan ng isang circular na ipinalabas ng Department of Energy (DOE). Ang circular ay nag-aatas sa mga kompanya ng langis na i-unbundle o i-detalye ang anumang adjustment sa presyo ng produktong petrolyo, kasama na ang mga eksplanasyon at supporting documents.
“Mas mainam na magbalangkas tayo ng batas para masigurong tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng mga polisiya,” ani Gatchalian.
“Mahalaga ang bukas at tapat na komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan, mga kompanya ng langis, at ng publiko upang mapanatili ang tiwala at mapangalagaan ang interes ng mamamayan, lalo na sa panahong pabago-bago ang presyo sa merkado,” dagdag ng senador.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Senate Bill 2081 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 8479, o kilala bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act, sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng transparency sa industriya. Ang panukala ay naglalayong tugunan ang isang legislative gap sa pamamagitan ng pagbibigay sa DOE ng tahasang awtoridad na atasan ang mga nasa downstream oil industry na kabahagi ng retail ng mga produktong petrolyo na magsumite ng impormasyon sa cost components kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil para sa tatlong magkakasunod na buwan ay katumbas o higit sa $80 kada bariles.
Ang panukala ay tahasang nag-aatas sa DOE na obligahin ang pagsisiwalat ng aktwal na mga gastos kabilang ang import cost, freight costs, insurance, at foreign exchange costs. Kabilang din dito ang import duties, excise taxes, value added taxes, biofuel costs at iba pang gastos kagaya ng port charges, refining costs, storage cost, handling costs, at kita ng kompanya ng langis.