NGCP

Win isinusulong paghiwalayin mga tungkulin ng NGCP

79 Views

SINABI ni Sen. Win Gatchalian na nakatakda siyang maghain ng panukalang batas na maghihiwalay sa mga tungkulin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang system operator at network transmission provider upang matugunan ang national security concerns sa bansa.

“Naniniwala ako na ang system operation ng transmission line isang monopolyo na sumasaklaw sa Luzon, Visayas at Mindanao at dapat nasa kamay ng gobyerno.

Gayunpaman, kinikilala natin ang pangangailangan para sa kapital na manggagaling sa pribadong sektor, kaya’t dapat panatilihin natin ang pagmamay-ari ng network transmission sa mga pribadong kamay,” sabi ni Gatchalian.

“Ngunit ang system operator na nagdi-dispatch ng kuryente–tulad ng isang traffic enforcer na namamahala sa daloy ng kuryente mula sa mga planta–may tungkuling nakatali sa pambansang seguridad, at dapat lang itong manatili sa gobyerno,” diin niya.

Ang panukalang batas, na kasalukuyang tinatapos ngayon, naglalayong amyendahan ang Republic Act 9511, ang batas na nagbigay sa NGCP ng prangkisa para magpatakbo, mamahala at mapanatili ang pambansang grid ng kuryente ng bansa.

Layon ng panukalang batas na palitan ang franchise tax ng standard corporate taxes.

Kung naisabatas na, ihahanay ng panukala ang mga tax obligation ng NGCP sa iba pang electric utilities at posible pa itong magpataas ng kita ng gobyerno, aniya.

Sa madaling salita, sabi ni Gatchalian, aalisin ng panukalang batas ang NGCP mula sa pagsasagawa ng tungkulin sa system operations at magbibigay kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) na tukuyin kung aling mga bahagi ng Transmission Development Plan (TDP) ang itatayo at kung alin sa mga kritikal na proyekto sa imprastraktura ng transmission ang maaaring ipagkatiwala at isagawa ng mga third party.

Ang mga amendments na ito naglalayong tugunan ang mga pagkaantala sa pagbuo ng imprastraktura ng grid at bigyan ng incentives ang NGCP na mapabuti ang construction efficiency, paliwanag ni Gatchalian.