Gatchalian

Win: Panahon na para magbayad ng tamang buwis Netflix, HBO Go

153 Views

PANAHON na para magbayad ng tamang buwis ang Netflix, HBO Go at iba pang digital foreign service provider, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Sinabi ng senador na nararapat lang ang pagpapataw ng 12- percent value added tax (VAT) sa mga naturang kumpanya na nag ooperate sa Pilipinas lalo pa’t pinagkakakitaan din naman nila ito.

Si Gatchalian, chairman ng Senate Committee on ways and means, ang naghain ng panukala na magpapataw ng VAT sa mga non-resident digital service providers (DSP) para maging pantay-pantay ang laban para sa mga lokal na mamumuhunan na nagbabayad ng kanilang buwis ng walang palya.

Ayon kay Gatchalian, may akda ng Committee Report 189 sa ilalim ng Senate Bill 2528, sakaling maisakatuparan ang bagay na ito magbibigay ito ng karagdagan bilyong kita para sa ating bansa.

Ipinaliwanag din niya ang sinasabi ng batas sa pangongolekta kung saan kailangan pantay-pantay ang trato na dapat ibigay sa sinuman.

Inamin din ni Gatchalian na kailangang ayusin ang mga bagong patakaran sa pagkokolekta ng buwis sa mga service provider na ito dahil hindi malinaw ang mga patakaran para sa mga non-resident digital service providers.

Sa kasalukuyan, may karapatan ang gobyerno na mag kolekta sa mga lokal na streaming platforms gaya ng iWantTFC at Vivamax samantalang wala naman tayong nakukuhang anumang buwis sa Netflix at HBO Go.

Sa ginawang pag aaral ng Department of Finance, sakaling maisakatuparan ang 12 percent VAT sa mga foreign streaming service providers magkakaroon ng P83.3 billion dagdag na kita ang kaban ng bayan sa loob ng humigit-kumulang na tatlong taun.