Calendar

Yamsuan: Gawing obligado CCTV sa mga establisyemento
PARANAQUE CITY – Inihayag ni Parañaque City 2nd District Representative-elect Brian Raymund Yamsuan na kanyang isusulong ang panukalang batas na mag-oobliga sa mga komersyal na establisyemento na maglagay ng CCTV cameras sa loob at labas ng kanilang mga gusali bilang suporta sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Yamsuan, ang kanyang panukalang batas na ipapasa sa paparating na ika-20 Kongreso ay magtatakda na ang mga negosyo na may 20 o higit pang empleyado, o may transaksiyon na hindi bababa sa ₱50,000 kada araw, ay dapat may CCTV sa mga entrance at exit points, loob ng opisina, at iba pang lugar sa loob ng establisyemento.
“Malaki ang papel ng pribadong sektor sa pagpapatibay ng kampanya ng Pangulo laban sa krimen. Ang paglalagay ng CCTV sa mga estratehikong lokasyon ay subok na epektibo sa pagpigil, pagtukoy, at paglutas ng mga krimen,” ani Yamsuan, na dating Assistant Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Naalala rin ni Yamsuan na noong 2014 at 2022, naglabas ang DILG ng memorandum circulars na humihikayat sa mga lungsod at kabiserang bayan na obligahin ang ilang negosyo na maglagay ng CCTV, tulad ng mga bangko at malls. Agad namang tumalima ang Lungsod ng Parañaque sa pamamagitan ng City Ordinance No. 14-03, na ipinasa noong 2014 at nangangailangan ng CCTV bilang requirement sa pag-renew ng Mayor’s Permit.
Kabilang sa mga nagtaguyod ng ordinansa sina dating Konsehal Tess de Asis at Binky Favis, na parehong nanalo muli ngayong 2025 at bahagi ng Team Pagasa ni Yamsuan. Ang dating alkalde na si Edwin Olivarez, ngayon ay kinatawan ng 1st District ng lungsod, ay siyang lumagda sa ordinansa at babalik bilang mayor sa Hulyo 1.
Sinabi ni Yamsuan na sa halip na iba-ibang LGU pa ang kailangang magpasa ng kanya-kanyang ordinansa, layunin ng kanyang panukala na gawing pambansang batas ang regulasyon sa CCTV installation.
Kabilang sa mga establisyementong sakop ng panukala ay: Mga restawran, Ospital, Mall at shopping centers, Sinehan at teatro, Supermarket at groceries, Entertainment centers, Gusaling opisina at bodega, at Cockpit arenas
Ang mga negosyong ito ay kailangang panatilihin ang maayos na kondisyon ng kanilang CCTV systems, na dapat ay nakabukas at nagre-record 24/7.
Binanggit ni Yamsuan na bilang miyembro ng House Committee on Public Order and Safety sa ika-19 na Kongreso, may mga pagkakataon umanong CCTV footage ang nagsiwalat ng pang-aabuso ng ilang pulis sa mga drug operations. Kaya bukod sa crime deterrence, makakatulong din ang CCTVs sa pagsugpo ng pang-aabuso mula sa awtoridad.
Ayon pa sa kanya, ilalakip din sa panukala ang mga probisyon sa data privacy at confidentiality at parusa sa mga hindi susunod sa batas.
“Ligtas, mapanagot, at modernong lipunan—iyan ang hangarin natin para sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Yamsuan.