Calendar
Yorme Isko aayusing mga singilin sa Maynila
UMAPELA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga utility at telecommunications companies na huwag putulin ang kanilang serbisyo sa lungsod ngayong dumaranas sila ng grabeng krisis sa pananalapi na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng mga kompanyang nabanggit, inihayag ng alkalde na nakatanggap na ang City Hall ng “notice of disconnection” bunga ng hindi pa nababayarang kabuuang halaga na umaabot sa P113,596,710.54 na kumakatawan sa kuryente, tubig, at internet services sa mga pampublikong paaralan, ospital, at iba pang pasilidad na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan,
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Meralco, Maynilad, Manila Water, PLDT, Globe Telecom, Smart Communications, Converge ICT, at Cignal TV na ginanap sa conference room ng tanggapan ng alkalde sa City Hall
“I hope I’m not asking too much,” pahayag ng alkalde sa mga kinatawan ng naturang mga kompanya.
“Wala na ho kaming kapera-pera. As in literal. This is not about blame. Reality check na ito ng financial mismanagement — grave financial mismanagement ng gobyerno ng Maynila na inabutan ko,” pahayag ni Domagoso.
Bukod sa hindi nababayarang utang sa mga kompanya ng kuryente, tubig, at telepono,sinabi ni Yorme Isko may pagkakautang pa aniya ang City Hall sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagkakahalaga ng P300 milyon.
“Lahat ng singilin ngayon bumubulagta sa amin,” sabi pa niya.
Humingi ng pang-unawa ang alkalde sa mga service providers at hiniling na bigyan sila ng dalawang buwan pang palugit upang maresolba ang krisis sa pananalapi para mabayaran ang mga pagkakautang.
“Pwede ba makisuyo, huwag niyo muna kami putulan ng kuryente, tubig, internet? Pagbalik ninyo sa mga boss niyo, sabihin ninyo, bigyan niyo kami ng breathing room,” pakiusap ng alkalde.
Idinugtong niya na gagawin nila ang lahat upang makakuha ng pondo mula sa mga maiipong salapi, kabilang ang mababawing bayad sa 5,930 na mga job order workers na hindi na mahagilap.
“’Yun ang ipababayad ko sa inyo. Huwag niyo lang muna putulan ang mga ospital, mga eskwelahan, mga pasilidad,” sabi ng alkalde.
Bilang tugon, sinabi ng mga kinatawan ng mga kompanya na ipapaabot nila ang kahilingan ng alkalde sa kani-kanilang pamunuan.
“Alam ko naman may paswelduhin din kayo. Pero promise, mag-u-update ako. Hindi ko kaya bayaran bigla, pero nag-aayos kami,” pagtiyak ng alkalde.

