Yorme

Yorme Isko gusto na matapos drainage master plan

Edd Reyes Sep 19, 2025
340 Views

GUSTO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na madaliin ang pagpapatupad ng drainage master plan para hindi na maranasan ng susunod na henerasyon ang malawakang pagbaha sa syudad.

“Hindi lang ito pagtupad sa tungkulin natin na tiyakin ang kapanatagan at kaligtasan ng taumbayan. Ito rin ay pamana natin sa mga susunod na henerasyon ng Batang Maynila,” pahayag ni Yorme Isko.

Kinakailangan ng master plan ng alkalde ng P140 bilyong pondo na ilalaan sa dalawang bahagi na pamamaraan para sa pangmatagalang diskarte sa pagpapabuti ng drainage system.

Dito rin kukunin ang pagpapahusay ng catchment at tunnel systems na layong madagdagan ang kapasidad, mapabilis ang daloy ng tubig-ulan at mabawasan ang pagbaha sa mga kritikal na lugar.

Kabilang sa planong pag-upgrade ng catchment ang pagpapalaki ng mga tubo, paggawa ng mga bagong culverts, pagsasaayos ng mga manholes at pag-upgrade o paglalagay pa ng mga pumping stations.

Sa ngayon, 24 sa kabuuang 72 pumping stations sa Metro Manila ang nasa Maynila na kailangan pang dagdagan ng 15 pa na nakasaad sa drainage master plan.

Uunahing magtayo ng catchments sa mga malapit sa ospital, paaralan, sentro ng transportasyon, at mga tanggapan ng pamahalaan habang magdaragdag naman ng tangke at malalim na tunnel na magiging imbakan ng tubig ulan.

Upang hindi naman makaapekto ng husto sa daloy ng trapiko at negosyo, uunahin muna ang mga lugar na matindi ang pagbaha at kung gaano ito kalapit sa mga kritikal na pasilidad para makinabang kaagad ang ekonomiya at kabuhayan.

Ayon kay Mayor Isko, gumagawa naman sila ng panandaliang hakbang para maibsan ang pagbaha.

Kabilang dito ang pagsasaayos ng mga daluyan ng tubig, pagkukumpuni at pagpapalakas ng pumping stations, paglilinis at declogging ng mga drains at manholes upang mapabilis ang paghupa ng baha, pagkukumpuni ng catch basins at pagwawasto ng mga profile ng drainage sa mga choke point.

Nauna ng ibinigay ng alkalde kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang drainage master plan ng lungsod nitong Huwebes matapos itong aprobahan ng Sanggunilang Panlungsod, halos apat na taon makaraang simulan itong balangkasin ng alkalde sa una niyang termino.

Matapos tanggapin ng Pangulo, sinabihan niya ang alkalde na makipag-ugnayan na sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para ito mapasimulan na.