Yorme Isko ipinagdiwang 52nd b-day sa pamimigay ng tulong

Edd Reyes Oct 24, 2026
17 Views

IPINAGDIWANG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang ika-52-taong kaarawan sa pagkakaloob ng tulong sa mga residenteng nangangailangan Sabado ng umaga sa Sta Ana Hospital.

Sa inilabas na datus ng Manila Public Information Office (MPIO) umabot sa 45,000 sulat ang natanggap ni Mayor Domagoso mula sa mga residenteng nangangailangan ng tulong medikal na kanyang inasikaso sa halip na gugulin sa masayang pagdiriwang ang kanyang kaarawan.

Sa dami ng mga nangangailangan ng tulong medikal, patuloy na naglalaan ng pondo ang pamahalaang lungsod upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

Matagumpay namang naisagawa ang pagkakaloob ng tulong sa mga residente ng Distrito 6 sa pamamagitan ng Kaagapay Program na ginanap sa Sta Ana Hospital, katuwang sina Vice Mayor Chi Atienza, mga konsehal na sina Elmer Par, Lou Veloso, Voltaire Castañeda, Doc Mercado at Christian Joey Uy, gayundin si Liga ng mga Barangay President Erika Platon.

Kaugnay nito, nagpaabot ng kani-kanilang mainit na pagbati ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, kabilang si Secretary to the Mayor Manuel “Letlet” Zarcal, na labis ang pasasalamat sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng alkalde.

“Alam ko we are not getting any younger, so we need to really take care of our health,” pahayag ni Secretary Zarcal. “I would like to take this opportunity to thank you for being part of the team sa pagseserbisyo natin sa lungsod ng Maynila. I am very, very proud to be part and very proud to be your Secretary to the Mayor. Alam ko marami pa tayong gagawin at marami ka pang nais gawin sa lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya.