Calendar

Yorme Isko sisibakin mga opisyal na naging sanhi ng problema sa Maynila
BINIGYAN ng bagsak na marka ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso ang administrasyon ni Mayor Honey Lacuna na dahilan upang resbakan ang huli ng Manilenyo sa nagdaang halalan.
Sa kanyang pahayag sa “Truth on the Line” na isang online show ng isang broadsheet, sinabi ni Yorme Isko na malinaw na hindi nasiyahan ang taumbayan sa naging estilo ng pamamahala ng kanyang hahalinhinang alkalde kaya’t idinaan nila sa boto ang damdamin.
Humakot si Yorme ng 530,825 na kabuuang boto sa nagdaang halalan na lubhang napakataas kumpara kay Mayor Lacuna na nakakuha lamang ng 190,617 na boto.
Maging ang ka-tandem ni Yorme na si Vice Mayor-elect Chi Atienza ay nilampaso rin ang mga nakatunggali, kabilang si Vice Mayor Yul Servo Nieto, habang mas marami rin sa mga ka-tiket ni Yorme na tumakbong konsehal sa anim na distrito ang nanalo kumpara sa mga ka-tiket ni Lacuna.
Isa pa sa dahilan ni Yorme Isko sa pagbibigay ng bagsak na marka ay ang umano’y kapabayaan ng nakaraang administrasyon sa pagbabayad ng obligasyon na sa kanyang impormasyon ay aabot umano ng mula P8 hanggang P11 bilyon sa mga contractors.
Kabilang aniya rito ang mga nakakuha ng kontrata sa iba’t-ibang serbisyo tulad ng gamot, seguridad, at maging ng supply ng cake sa mga senior citizen na hindi na rin naipapamahagi kahit nakapagdiwang na ng kaarawan.
Sa ngayon aniya, hindi niya alam kung may nagaganap na katiwalian o red tape lalu’t iniingatan niya ang maghusga ng sinoman.
Gayunman, tiniyak niya na ilalantad niya ang mga makukuhang impormasyon sa nalalapit niyang inagurasyon sa Hunyo 30 ng tanghali bilang alkalde.
Sinabi pa ni Yorme sa naturang online show na maraming problema ang lungsod na dapat niyang bigyang prayoridad na lutasin kaya kung sino man sa mga opisyal ang mapapatunayan niyang may kagagawan, sisibakin niya kaagad ang mga ito dahil mayroon siyang ipinangakong obligasyon sa taumbayan.