Calendar

Yorme Isko tinugunan panawagan ng mga Manileno kaya tumakbo
DISMAYADO umano si Manila Mayor-elect Isko Moreno sa naging pagganap ng papalitan niyang lokal na administrasyon kaya’t tinugunan na niya ang panawagan sa kanya ng mamamayan ng Maynila.
Sa panayam sa isang talk show, sinabi ni Yorme Isko na nauna na niyang pinayuhan si Mayor Honey Lacuna na hindi malulutas ang problema sa lungsod ng mga fashion show kundi dapat ay dagdag na pagsisikap upang mailagay ang mga bagay sa maayos at wastong pananaw.
Sinabi na rin aniya niya ang alalahanin ng mga negosyante na naaabuso sa zoning board, ng pang-aabuso ng ilang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan kay Mayor Lacuna, pati na ang kakulangan sa pangunahing serbisyo, lalu na ng pangangalaga sa kalusugan matapos gawing online ang schedule ng mga magpapakonsulta, at ang pagtaas ng antas ng kriminalidad.
Nagsimula aniya siyang mag-isip na muling bumalik nang minsang magtungo siya sa napakaraming pamilyang naapektuhan ng malaking sunog sa Antonio Rivers St. sa Tondo noong nakaraang Hulyo o Agosto ng nagdaang taon na humihingi ng tulong sa lokal na pamahalaan at dito nagsimula ang sigaw ng “Bumalik ka na” na nag-viral sa social media.
“Wala sa isip ko talaga na bumalik kahit hindi ako nagtagumpay sa pagtakbo bilang Pangulo because I really trust them, all of them, including those two congressmen who were guests here a few weeks ago, all of them, I really trusted them that they will do their job because, modesty aside, ni-nurture ko naman lahat sila eh,. Lahat naman sila, participated, I did not govern on my own, I nurtured them to do service,” sabi pa ni Yorme Isko.
Ang tinutukoy ni Yorme ay sina Manila 2nd District Congressman Roland Valeriano at 3rd District Congressman Joel Chua na kapuwa nagwagi rin sa nakaraang halalan.
Sinabi ni Yorme na natural lang na may magbago muna ng konti sa pag-upo ni Mayor Lacuna upang tumatak din naman sa tao ang sarili niyang pagganap subalit marami na aniyang hindi naipagpatuloy na dahilan para pumili ng iba ang tao.
Sa kanyang mga pagpapaliwanag, hindi kinakaligtaan ni Yorme na linawin na wala na sa kanya ang pagdaramdam dahil tapos na rin naman ang halalan at nagsalita na rin ang tao bagama’t hindi aniya niya maiwasang tumugon sa mga katanungan.