Bato Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

Young Guns kay Dela Rosa: Sa ICC ka na lang magpaliwanag

151 Views

HINIMOK ng dalawang miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sa International Criminal Court (ICC) na lamang magpaliwanag at harapin ang mga akusasyon sa kanya kaugnay ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte na kumitil sa buhay ng libu-libong Pilipino.

Ayon kina House Deputy Majority Leader Jude Acidre at House Assistant Majority Leader Jil Bongalon, sa halip na akusahan ang liderato ng Kamara, dapat harapin na lamang ni Dela Rosa ang mga akusasyon sa kanya. Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang war on drugs campaign.

Sinabi pa ni Acidre na bagamat itinatanggi ni Dela Rosa na mayroon siyang kasalanan ay ayaw naman nitong harapin ang kaso nito sa ICC.

“Sana harapin na lang ni Sen. Bato ang asunto niya sa ICC, para makaharap niya na din at madinig ang malulungkot na kuwento ng mga naulila ng mga napatay noong drug war. He keeps distancing himself from the thousands of deaths during the war on drugs, but he was the PNP Chief during that time,” ani Acidre.

“He cannot deny that he played a central role in the implementation of the bloody drug war,” saad pa ng mambabatas.

“Kung ayaw niyang magpaliwanag dito sa ating Kongreso, sa ICC na lang magpaliwanag. The families of the victims and the international community deserve answers for the thousands of deaths under his watch,” dagdag pa nito.

Puna naman ni Bongalon, patuloy ang pag-iwas ni Dela Rosa sa pananagutan gayung siya ang hepe ng PNP nang ipatupad ni Duterte ang kampanya.

“Sen. Bato cannot just brush aside the ICC’s investigation. He was at the helm of the police force when the most egregious human rights abuses were committed. It is his duty to explain what happened,” giit ni Bongalon.

Sa mga nakalipas na pagdinig ng quad committee, ilang mga saksi na rin ang nagpahayag ng direktang pagkakasangkot ng PNP sa mga extrajudicial killing (EJK) sa ilalim ng pamununo ni Dela Rosa.

“The Quad Committee hearings revealed that police forces were given orders to shoot on sight. How can Sen. Dela Rosa deny his involvement when the bloodiest parts of the war on drugs were carried out under his command?” tanong pa ni Bongalon.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng ICC sa drug war campaign ng nakalipas na administrasyong Duterte, kung saan tinututukan ng international prosecutors na ang mga pagpatay na naganap sa ilalim ng kampanyang ito ay pinahintulutan ng estado.

Naniniwala sina Acidre at Bongalon na panahon na para harapin ni Dela Rosa ang mga kasong ito.

“We cannot ignore the mounting evidence of human rights violations. If Sen. Bato continues to avoid accountability in our hearings, the ICC will demand that justice be served,” ayon kay Acidre.

Suportado rin ni Bongalon ang panawagan, sa ngalan na rin ng transparency at accountability bilang mga opisyal ng gobyerno.

“If Dela Rosa truly believes he did nothing wrong, then he should not be afraid to explain his side before the ICC. Let the world know what really happened during those bloody years,” giit pa ni Bongalon.

Kapwa rin pinuna ng mga mambabatas ang pagtanggi ni Dela Rosa sa pagharap niya sa pagdinig ng quad comm kaugnay sa kaniyang pagkakasangkot sa EJK.

“His silence here in Congress is disconcerting. But he cannot stay silent forever. Justice demands answers, and if he won’t give them here, the ICC will ask for them,” paliwanag ni Acidre.

Sa pag-usad ng imbestigasyon ng ICC, naniniwala sina Acidre at Bongalon na ito’y isang mahalagang hakbang upang maipahayag ang katotohanan tungkol sa mga pangyayari sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, lalo na ang mga insidente ng karahasan at EJK.

“Ang daming pamilya na naulila dahil sa kampanya na ito. They deserve to know who was responsible and why it happened,” ayon kay Bongalon.

Sinabi ni Bongalon na hindi maitatanggi ang hindi mabilang na dami ng pamilyang nagdusa dulot ng anti-drug campaign.

Patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng ICC sa sistematiko umanong pagpatay sa mga drug suspect sa ilalim ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.