Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

‘Young Guns’ ng Kamara binatikos sinabing ‘Arnie Teves playbook’ ni VP Sara

63 Views

BINATIKOS ng mga lider ng “Young Guns” ng Kamara de Representantes ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ginagamit umano sa kanya ng gobyerno ang “Arnie Teves playbook.”

Giit ng mga kongresista, isa itong panibagong “budol” at desperadong taktika upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga mabibigat na alegasyon sa kanya, gaya ng umano’y iregularidad sa paggamit ng kanyang P612.5 milyong confidential funds.

Ikinumpara ni Duterte ang kanyang kalagayan kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council.

Ayon sa kanya, may ilang opisyal na umano’y gumagamit ng parehong taktika upang i-freeze ang kanyang mga ari-arian at mga yaman.

Sa press conference noong Huwebes, pinabulaanan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang pahayag ni Duterte, at sinabing ang mga problemang kinakaharap ng ikalawang pangulo ay bunga ng kanyang mga ginawa.

“Again, this is another statement of the Vice President na sana pag-isipan niyang mabuti dahil iniisip niya na may grand scheme,” ayon kay Khonghun. “Pero actually, ito ang resulta ng kanyang pinaggagawa at pinagsasabi.”

Iginiit ni Khonghun na ang justice system na ang magpapasya sa pananagutan ni Duterte.

“Nakita naman natin ang batas na ipinasa [laban] sa terrorism at nakita naman natin meron siyang (Duterte) violation doon. Pero kailangan nating hayaan ang Department of Justice, ang NBI (National Bureau of Investigation), at ang ating law enforcement units na mag-imbestiga,” saad nito.

“Kung nakita nila may nilabag, nararapat lang na file-an talaga siya ng kaso,” dagdag pa ng mambabatas.

Diretsahan ding sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na walang ibang dapat sisihin si Duterte sa mga nangyayari sa kanya kundi ang kanyang sarli.

“Hindi ito playbook ng ibang tao. Playbook niya ito. Kasi siya lang po ang nagtangkang gumawa na tangkain na patayin ang ating Pangulo, ang First Lady at ating Speaker,” giit ni Ortega.

Ang tinutukoy ni Ortega na ipinapapatay ni Duterte ay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Hamon ni Khonghun kay Duterte, akuin ang pananagutan sa kanyang mga ginagawa at huwag iwasan ang mga isyung kinahaharap nito.

“Kung may inilabag sa batas, kailangan siyang papanagutin,” ayon kay Khonghun.