Calendar

Yumari sa alahas sa NAIA iminungkahing patalsikin
NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo ng agarang pagpapatalsik sa mga airline at security personnel na sangkot sa insidente ng pagnanakaw ng alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ito ay matapos matagumpay na mabawi ng mga awtoridad ang nawawalang mga gamit na tinatayang nagkakahalaga ng ₱500,000 mula sa isang pasaherong paalis ng bansa.
Ayon sa ulat, nawalan ng jewelry box ang pasaherong si Kimberly Nakamura noong Hunyo 28, habang siya ay bumiyahe patungong Singapore. Sa kabutihang palad, agad na kumilos ang Airport Police Department (APD) at Screening and Surveillance Division (SSD) ng Manila International Airport Authority (MIAA), dahilan upang maibalik ang mga alahas.
Pinuri ni Tulfo ang “professionalism and dedication” ng dalawang yunit at iminungkahi sa Department of Transportation (DOTr) na bigyang-parangal ang mga ito dahil sa kanilang naging papel sa mabilis na pagkakaresolba ng kaso.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin ang senador kay DOTr Officer-in-Charge James de Roque upang imbestigahan ang mga personnel na humawak sa nawawalang alahas.
Ayon kay De Roque, kabilang sa mga sangkot ay mga miyembro ng Airline Contracted Ground Handling staff.
Bagama’t naibalik ang mga alahas at tumanggi ang biktima na magsampa ng kaso, iginiit ni Tulfo na dapat pa ring managot ang mga responsable.
“NAIA is our window to the world and we cannot tolerate these acts of dishonesty here,” ani Tulfo, binigyang-diin ang pangangailangan ng integridad sa hanay ng airport staff.
Dahil walang affidavit mula sa biktima, hindi maipagpapatuloy ng DOTr ang pagsasampa ng kasong kriminal. Kaya naman, nanawagan si Tulfo sa mga airline at security agencies na agad tanggalin sa serbisyo ang mga sangkot.
Binigyang-linaw pa niya, “Panahon na rin ito para i-review ng MIAA ang kanilang mga polisiya dahil sa kabila ng mga guidelines na mayroon sila, marami pa ring malalakas ang loob na baliin ito.”
Ang hakbang ni Tulfo ay bahagi ng kanyang patuloy na panawagan para sa mas mahigpit na pananagutan at mas pinahusay na seguridad sa pangunahing paliparan ng bansa.