Co

Zaldy Co ibinunyag ₱200B “non-negotiable” na Senate insertion sa 2025 budget

465 Views

TWO hundred bilyon pesos —kunin o iwan — o walang 2025 budget.

Ito umano ang hinihingi noon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa bicameral conference (bicam) para sa 2025 pambansang badyet noong Disyembre 2024.

Ito ay isa sa mga pasabog na rebelasyong inilatag ng dating kongresista at dating chairman ng House Committee on Appropriations na si Zaldy Co sa kaniyang liham kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kaniyang liham, na ayon sa kaniya ay ipinadala niya sa Pangulo noong Pebrero 2025, idinetalye ni Co kung paano umano “pinutol-putol” ang panukalang badyet ng Pangulo, na opisyal na tinatawag na National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Co, ang ₱200-bilyong alokasyon para sa Senado ay para sa mga proyektong pampublikong imprastruktura. May banta pa umano noon na mahahadlangan ang pagpasa ng 2025 budget kung hindi papayag ang Kamara sa umano’y kahilingan.

Iginiit ni Co na habang ang Kamara, sa pamumuno noon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay “tapat na sumunod” sa NEP at sinuportahan ang mga prayoridad na programa ng Pangulo, “wala ni isa sa aming mga katapat sa Senado ang sumunod sa pangako na mag-iwan ng pamana sa pagkain, kalusugan, at iba pang batayang pangangailangan.”

“Nagkaroon pa ng karagdagang pagbabawas ngunit umabot lamang ito sa ₱150 bilyon (₱145 bilyon para sa DPWH at ₱5 bilyon para sa AKAP). Ang ₱150 bilyon ay inilagay sa programmed funds, habang ang natitirang ₱50 bilyon ay inilagay sa unprogrammed,” ani Co sa kaniyang liham.

Binalikan ni Co na noong 2023, may ₱150 bilyon ang Senado sa programmed funds para sa iba’t ibang ahensya. Tumaas ito sa ₱165 bilyon noong 2024.

“Ngunit para sa 2025 budget, iginiit ni SP Chiz na magkaroon ng ₱150 bilyon sa programmed funds, kung saan ₱145 bilyon ay direktang inilaan sa DPWH—kumpara sa karaniwang ₱100 bilyong alokasyon ng DPWH sa mga nakaraang taon—at ₱50 bilyon para sa iba pang ahensya,” ayon sa dating chairman ng House appropriations committee.

“Paulit-ulit kong binalaan si SP Chiz tungkol sa napakalaking alokasyon ng Senado sa DPWH dahil malalampasan nito ang pondo para sa edukasyon. Ngunit ayaw niyang umatras. Pinagbantaan niya na ipagpaliban ang deliberasyon sa badyet hanggang Marso 2025, na magreresulta sana sa reenacted budget,” sulat ni Co.

“Hiniling ko kay Sec. Mina (noon ay Budget Secretary Amenah Pangandaman) na iparating sa Malacañang ang banta at ang tugon ng Kanyang Kamahalan—ayon kay Sec. Mina: ‘Huwag na huwag ninyong iisipin iyan.’ Kaya’t wala nang ibang nagawa ang Kamara kundi ang pumayag,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Co na binalaan niya ang mga “pinagkakatiwalaang katuwang” ng Pangulo, partikular sina Sec. Mina, Usec. Adrian (Bersamin) at Usec. Jojo (Cadiz), tungkol sa posibleng matinding backlash sa sektor ng edukasyon.

“Simple ang paulit-ulit kong paalala: Huwag hayaang higitan ng badyet ng DPWH ang edukasyon. Inaatasan ng Konstitusyon na ang edukasyon ang tumanggap ng pinakamataas na alokasyon ng badyet, gaya ng malinaw na nakasaad sa budget message ng Kanyang Kamahalan,” ani Co.

“Si (dating) Speaker Martin (Romualdez) at ako ay nagsumikap nang husto sa nakalipas na dalawang taon upang matupad ang mga pangako ng Kanyang Kamahalan sa kampanya, kahit walang tahasang tagubilin mula sa inyo. Araw at gabi kaming nagtatrabaho, madalas hanggang madaling-araw. Ngunit masakit sa loob dahil tila ang inyong mga alter ego ay hindi seryoso sa pagtupad sa inyong mga pangako,” pagtatapos ni Co.