chess

Zamboanga chessers hindi napigil

Ed Andaya Mar 10, 2022
640 Views

IBINUHOS ng Zamboanga Sultans ang kanilang lakas upang walisin ang Cagayan de Oro, 17-4, at Tacloban Vikings, 12.5-8.5, at patatagin pa ang kanilang tsansa sa 2022 PCAP All-Filipino Conference chess championships.

Namayani sina FM Belsar Valencia, NM Joey Albert Florendo, NM Raymond Salcedo at playing team owner NM Zulfikar Sali laban sa kani-kanilang mga katunggali sa 3-0 scores upang pamunuan ang Zamboanga laban sa Cagayan de Oro.

Tinalo ni Valencia si Vic Arellano, binigo ni Florendo si Alji Cantonjos, pinataob ni Salcedo si Jaime Frias at dinurog ni Sali si Ronald Canino para sa Sultans.

Naungusan naman ni NM Dale Bernardo si NM Anthony Makinano ng Cagayan de Oro, 2-1, at nasingitan ni Shela Khan Sepanton si Loberina Carrasco, 2-1, para ma-kumpleto ang panalo ng Zamboanga.

Si Johnnel Balquin ang nag-iisang nanalo para sa Cagayan de Oro matapos nitong gulatin si NM Paulo Florendo ng Zamboanga, 2-1, sa top board.

Sina Sali, Salcedo at Sarah Mae Chua ang nanguna naman para sa dikdikang panalo ng Zamboanga laban sa Tacloban.

Pinataob ni Sali si Jasper Montejo, 3-0; nanaig si Salcedo laban kay Ruel Nuttal, 3-0; at natakasan ni Chua si Catherine Pojas, 2.5-.5, para tulungan ang Sultans laban sa Vikings.

Para sa Tacloban, nanalo sin Andrew Casiano laban kay Bernardo, 2-1, at Leo Lofranco laban kay NM Butch Villavieja, 2-0.

Ang dalawang dikit na panalo ay lalo pang nagpatibay sa tsansa ng Zamboanga, na ngayon ay nasa ikatlong puwesto sa Southern Division na may hawak na 18-7 win-loss record.

Tanging ang Iloilo Kisela Knights (23-2) at Davao Eagles (20-5) ang may mas magandang record kesa Zamboanga.

Ginulpi ng Iloilo ang Palawan Queen’s Gambits, 16-5, at Iriga Oragons, 15-6, habang iginupo ng Davao ang Surigao Fianchetto Checkmates, 14-7, at Negros Kingsmen, 12.5-8.5, para mapanatili ang kanilang 1-2 pwesto.

Nagpakitas gilas din ang Camarines Eagles nina IM Idelfonso Datu at Erzaline Alvarez upang talunin ang Toledo Trojans, 10.5-10.5 (2-1) at Surigao,13.5-7.5.

Pasiklab sina Datu laban kay Ronald Ganzon at Walt Allen laban kay Merben Roque para selyuhan ang panalo ng Camarines sa kanilang Armageddon encounter.

Wagi din sina Datu at Talan laban sa mga katunggali mula Surigao.

Tinuldukan ni Datu si Lennon Hart Salgados, 2.5-.5., at itinumba ni Talan si John Ranel Morazo, 3-0, para sa panalo ng Camarines.

Ang PCAP, ang una at nag-iisang play-for-pay chess league sa bansa, ay pinangungunahan nina Atty. Paul Elauria as President- Commissioner; Michael Angelo Chua as Chairman; Dr. Ariel Potot

as Vice Chairman at Atty. Arnel Batungbakal as Treasurer.

Ang tournament ay may basbas ng Games and Amusements Board (GAB), sa pangunguna ni Chairman Abraham “Baham” Mitra at sinusuportahan din ng National Chess Federation of

the.Philippines (NCFP), sa pamumuno ni Chairman/President Prospero “Butch” Pichay.

Major sponsors ng naturang kumpetisyon ang San Miguel Corporation at Ayala Land.

Standings after 25 rounds:

Northern Division

Pasig 24-1; San Juan 21-4, Laguna 20-5; Caloocan 16-9; Cagayan 12-13; Isabela 12-13; Rizal 11-14; Manila 10-15, Quezon City 10-15; Cavite 7-18; Mindoro 5-20, Olongapo 5-20.

Southern Division

Iloilo 23-2; Davao 20-5;.Zamboanga 18-7; Negros 16-9; Toledo.15-10; Surigao 14-11; Camarines 13-12, Cagayan de Oro 11-14; Palawan 6-19; Cebu 6-19; Tacloban 3-22; Iriga 2-23.