Calendar
Zamboanga, Parañaque, Sarangani wagi
TINAMBAKAN ng Zamboanga Master Sardines ang Imus Agimat VA Drones, 110-71, habang pinigil ng Parañaque Patriots ang Rizal Xentromall Golden Coolers, 82-73, sa pagpapatuloy ng aksyon sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Sixth Season a Olivarez College Gymnasium sa Parañaque.
Sa laro na kung saan 14 na players ang umiskor para sa kanilang team, nagpakita ng lakas ang Zamboanga bago itala ang kanilang12th win sa 15 laro sa round-robin elimination phase ng 29-team tournament ni Sen. Manny Pacquiao.
Tanging ang Quezon Province (13-0), Nueva Ecija (12-0), Pampanga (13-1) at San Juan (11-1) ang nasa unahan ng Zambonga sa overall team standings.
Nanguna para sa Zamboanga sina Robi Julian Nayve (16 points, five rebounds, three assists); Joseph Gabayni (14 points, five rebounds); Pedrito Galanza (11 points); at Jayboy Solis (10 points, five rebounds).
Bagamat hindi naglaro si Jaycee Marcelino, na-domina pa din ng Zamboanguenos ang laro, 53-38 sa rebounds at 35-15 sa assists.
Samantala, umiskor ang Patriots ng huling seven points sa huling dalawang minuto ng laro upang tuluyang biguin ang Golden Coolers at umakyat pa sa 9-6 win-loss record.
Tumirada ng triple si JP Sarao, nagdagdag si Keith Pido ng dalawang free throws at nakapg-drive si Philip Manalang para sa nasabing closingg 7-0 run ng Parañaque.
Namuno sa Patriots sina Joshua Gallano, na may 18 points, eight rebounds, three assists at two blocks;Sarao, na may 18 points, three blocks at two rebounds; Jielo Razon, na may 13 points at six rebounds; at Pido, na may eight points, five rebounds at four assists.
Nalasap ng Rizal ang ikatlong dikit na talo sa kabila ng 30-point, six-rebound at three-steal effort ni Alwyn Alday at 10-point, six-rebound, three- assist output ni Bambam Gamalinda.
Sa isa pang laro, tinalo ng Sarangani Marlins ang Bicolandia Oragons, 101-55, para sa 4-11 record.
Ang Marlins ay sumandal kina Jaymark Mallari (15 points), Larce Christian Sunga (14), Ryan Isaac Sual (13), Coy Alves at Yukihiro Kawamura (12 each), at Marvin Hayes (10.)
Lalong nalugmok ang Bicol sa team standings sa 2-13 record.
Si PBA legend Kenneth Duremdes ang commissioner.