Zubiri

Zubiri bagong Senate president

203 Views

MAY bago ng Senate President ang Senado sa katauhan ni Senator Juan Miguel Migs Zubiri kahapon matapos syang mahalal bilang sa pinakamataas na posisyon sa Mataas na Kamara para sa 19th Congress.

Ito ay matapos siyang i endorso ni Sen. Joel Villanueva, Sen. Loren Legarda at ang myembro ng mayorya na naniniwalang si Zubiri ay siyang napapanahon upang maging mukha ng liderato sa Senado.

Si Zubiri na nagpasalamat sa kanyang mga kapwa sa senador ay nagsabing bagamat lubhang matindi ang kakaharapin ng bawat isa sa kanila dahil na rin sa isyu ng pandemya at problema sa pang ekonomiya ay naniniwala syang makagagawa ang bawat isa sa kanila ng mga tamang batas na makakatulong para sa taumbayan na aniya ay nagdadanas ng matinding pagsubok sa kasalukuyan.

Ani Zubiri , hindi biro ang mga pagsubok na dinadanas ng bawat isang Pilipino dahil na rin sa napakaraming mga problemang dumating at kinakaharap ng bansa tulad ng covid 19, ang panibagong mga virus na kinatatakutan kasama na ang mutation ng mga bagong virus, ang problema sa agrikultura, petrolyo at marami pang bagay bagay na dapat aniyang bigyan ng matuon na pansin ng pamahalaan.

Hinikayat din ni Zubiri ang bawat isa na maghawak bisig upang malabanan ang ganitong mga pagsubok at bigyan halaga aniya ang magagawa ng bawat isa para matulungan ang taong bayan sa kinakaharap sa kasalukuyan.

Bukod pa kay Zubiri ay nahalal din si Senator Loren Legarda bilang Senate President Pro Tempore at si Sen. Joel Villanueva bilang majority Floor leader pati na rin ang paghalal sa bagong Senate Secretary na si Renato Bantog.

Samantala ay nahalal naman si Sen. Aquilino PImentel III bilang Minority Floor Leader matapos siyang i endorso ni Senator Risa Hontiveros.

Apat sa mga senador ang nag abstain sa boto na kinabibilangan nina Pimentel III, Hontiveros at magkapatid na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano.

Samantala, sa isang press conference, inamin ni Cayetano na hindi sila sasama sa minority bloc ni Pimentel III bagkus aniya ay mas nanaisin nilang magkapatid na nasa Independent bloc.

Inamin din ni Sen. Alan Cayetano na sa umpisa ay gusto niyang maging pinuno sana ng minorya sa senado ngunit desidido aniya si Pimentel III na tumayo bilang Minority floor leader.

Ayon pa kay Cayetano, hindi lang ngayon nangyari ang ganitong sitwasyon sapagkat si dating Senador Serge Osmena III aniya ay naipakitang epektibo sya sa kanyang desisyon na manatili bilang independente sa senado nuon.

“I can freely support. I can freely criticize. At sa tingin ko ay mas makatutulong kaming magkapatid by remaining independent at non-partisan.” Ani Sen. Alan Peter Cayetano.

Sa kabilang banda, ay nagulantang naman ang lahat matapos tumayo si neophyte Sen. Robin Padilla upang sabihin na hindi siya boboto para sa majority floor leader na si Villanueva.

“Ako po ay umiiwas sa pagboto sa Majority Floor Leader. Salamat po.” Sinabi ni Sen. Padilla sa loob ng sesyon hall sa gitna na nagaganap na botohan.

Pinagkibit balikat naman ito ni Villanueva kung saan ay sinabi niyang hindi aniya dapat bigyan ng masamang kahulugan ang ganitong deklarasyon ng kapwa senador sa ilalim ng demokrasyang pamamaraan.

Idinagdag pa ni Sen. Villanueva na bagamat medyo nagulat ang lahat sa timing ni Sen. Padilla ay karapatan aniya ito ng huli at siya naman ay nagpapasalamat sa nakararaming kasama sa Senado na nagtiwala aniya sa kaniyang kakayahan.

Hindi rin aniya siya apektado dahil trabaho at hindi kung ano pa man ang kaniyang adhikain kung bakit siya tumakbo sa Senado.

Gayunman, sinabi ni Villanueva na handa siyang mag abot ng kaniyang kamay para sa kanyang mga kasamahan sa Senado upang hindi maisakripisyo ang anumang trabaho na dapat nilang ibigay para sa taumbayan.