Calendar
Pagbawal sa pagbebenta, pagpapaupa ng pabahay ng gobyerno aprub sa Senado
INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbibigay sa mga kuwalipikadong maralita at walang sariling bahay ng karapatang manirahan sa lupa at pabahay ng gobyerno nang hindi inililipat sa kanila ang pagmamay-ari nito.
Nakakuha ang Senate Bill No. 2421, o ang panukalang Adequate and Decent Housing Through Usufruct Act, ng 18 botong pabor, walang tutol at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng usufruct, maaaring gamitin at tirhan ng benepisyaryo ang lupa at pabahay ng pamahalaan alinsunod sa isang nakasulat na kasunduan, ngunit mananatiling pag-aari ng Estado ang mga ito.
“Through usufruct, families will gain the right to live in government housing without the burden of ownership costs, while ensuring transparency and legal protection through contracts registered with the Registry of Deeds,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Sinabi ni Escudero, tagapangulo ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, na maaaring makinabang sa programa ang milyun-milyong pamilyang mababa ang kita.
Tantiya ni Escudero ang bilang na ito. Ang aktuwal na dami ng mabibigyan ng pabahay ay nakasalalay sa mga ari-arian at pondong ilalaan ng gobyerno, pagsusuri sa mga aplikante at pagpapatupad ng programa kapag naging batas ang panukala.
Kuwalipikado lamang ang mga maralita at walang sariling tahanang Pilipino na walang pag-aaring real property at hindi professional squatter o miyembro ng squatting syndicate.
Dapat nakasulat sa bawat usufruct contract ang mga karapatan at pananagutan ng benepisyaryo, kabilang ang pagpapanatili sa maayos na kalagayan ng ari-arian at pagbabayad ng konsumo sa tubig, kuryente at iba pang utility.
Bagaman hindi kailangang bilhin ng benepisyaryo ang lupa o bahay, hindi nangangahulugang wala na siyang anumang gastusin habang naninirahan dito.
Para lamang sa tirahan ang pabahay. Bawal itong ibenta, ipaupa, isanla o ilipat sa ibang tao.
Maaaring kanselahin ang usufruct ng lalabag at hindi siya maaaring makinabang sa mga programa sa pabahay ng gobyerno sa loob ng 10 taon.
Maaari ring ipagpatuloy ng mga kuwalipikadong tagapagmana ang paggamit sa pabahay, batay sa mga kondisyon ng panukala.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development ang mangangasiwa at susubaybay sa programa. Pamamahalaan naman ng mga lokal na pamahalaan ang mga ari-arian at titiyaking may tubig, kuryente at maayos na sanitasyon ang mga pabahay.
Maaari ring gamitin ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ang usufruct arrangement sa kanilang employee housing programs para sa mga kuwalipikadong kawani.
Kailangan pang makumpleto ng panukala ang natitirang proseso sa Kongreso at malagdaan ng Pangulo bago maging batas.

