₱1B pondo para sa tourism branding pinuri ni Ejercito

912 Views

TAMA lamang ani Senador Joseph Victor Ejercito ang muling pagbalik ng ₱1-bilyong pondo para sa branding at marketing ng Department of Tourism (DOT) para sa 2026, na aniya’y mahalaga upang makasabay ang Pilipinas sa ibang bansa at mapalakas ang pagkakakilanlan ng turismo.

Ayon kay Ejercito, bumagsak ang pondo para sa branding mula ₱1 bilyon tungong ₱200 milyon at naging ₱100 milyon noong 2025, kaya hindi sapat ang naging suporta sa promosyon ng mga pangunahing destinasyon sa bansa. Binanggit niya na malaking tulong ang mas maayos na marketing upang makahikayat ng mas maraming turista at makalikha ng trabaho lalo na sa mga lugar na nakadepende sa turismo.

Idinagdag niya na maraming bansa sa ASEAN ang may mas mataas na gastusin para sa international marketing, kaya kailangan ding palakasin ng Pilipinas ang sariling kampanya. Sinabi ni Ejercito na ang pagtaas ng pondo ay tutulong sa pag-angat ng bilang ng turista at sa pag-unlad ng maliliit na negosyo na nakasalalay sa turismo.

Binigyang-diin pa niya na malaking bahagi ng kabuhayan ng mga manggagawa sa transportasyon, hospitality at lokal na negosyo ang nakatali sa turismo, kaya mahalaga ang malinaw at matatag na national brand upang mas dumami ang dadayong bisita.