Lacson

₱2.9B SUPER HEALTH CENTERS NAKATENGGA; LACSON SINISI ANG BUDGET ‘SINGIT’

31 Views

TINATAYANG ₱2.9 bilyong halaga ng mga natapos na Super Health Center ang hindi pa nagagamit, habang itinuro ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mga proyektong isiningit sa national budget bilang isa sa mga dahilan ng pagkaantala at pagkakatengga ng ilang pasilidad ng Department of Health.

Inilahad ang problema sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DOH noong Biyernes, Setyembre 4.

Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na natapos na ang mga Super Health Center na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2.9 bilyon ngunit hindi pa napapatakbo.

“Ito yung super health centers. About P2.9 billion completed but not operational,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa kanya, may mga local government unit na hindi kayang tustusan ang kuryente at iba pang gastusin sa operasyon ng mga pasilidad. Ang ilan ay hindi rin makakuha ng mga nurse o makabili ng gamot.

Iniugnay ni Gatchalian ang problema sa mga Super Health Center na aniya’y isiningit sa budget ngunit hindi kayang patakbuhin ng ilang LGU.

Sinabi naman ni Lacson na nagkakaproblema ang DOH kapag nagdaragdag ang mga mambabatas ng mga proyektong wala sa orihinal na plano ng ahensya.

Ang National Expenditure Program o NEP ang panukalang paggasta ng administrasyon bago ito repasuhin at amyendahan ng Kongreso. Ang mga proyektong idinaragdag sa proseso ng pag-amyenda ay karaniwang tinatawag na budget insertions.

“Ang major cause ng delay at ng underutilization ng pondo, insertions. So hindi kasalanan ng DOH. Ito ang post-NEP. May program kayo sa NEP di nyo ma-implement properly kasi di kasama sa plan ninyo because of insertions made by legislators. Huwag na kayong mahiya. Yan ang totoo,” sinabi ni Lacson kay Health Secretary Edwin Mercado.

Sumagot si Mercado na “partly” na sanhi ng problema ang mga insertion.

Iginiit ni Lacson na maaaring mahirapan ang DOH na ipatupad ang mga proyektong hindi nito pinagplanuhan at hindi kasama sa mga prayoridad at pangangailangan ng ahensya.

“Kasi paano ma-implement kung di kayo nagplano, kung saan-saan na-insert? Sa period of amendments kanya kanyang singitan tapos di ma-implement kasi wala sa plan ninyo wala sa priorities ninyo wala sa needs ninyo. Ang legislator na nagsingit, walang coordination sa DOH,” aniya.

“It’s bad enough nag-insert pero at least man lang prior to insertion or amendment bumusina man lang ito kaya bang implement,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Mercado na may pananagutan din ang mga LGU kapag pumayag silang tumanggap ng health facility ngunit hindi ito napapatakbo. Aniya, kailangan ng maayos na paraan ng pagpopondo upang matustusan ang operasyon ng mga pasilidad.

Hiniling ni Lacson na kumonsulta muna ang mga mambabatas sa DOH bago magdagdag ng proyekto sa budget upang malaman kung kaya itong ipatupad ng ahensya.

Sinabi rin niyang kailangang tugunan ni Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Finance, ang problema sa pagtalakay sa pinal na bersyon ng 2027 national budget.

“These are institutional problems that must be addressed,” sabi ni Lacson.