Romero1

1-PACMAN Party List Group isinusulong modernisasyon ng NAPOLCOM

221 Views

ISINUSULONG ngayon ng 1-PACMAN Party List Group ang modernisasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) upang lalong maging epektibo ang “oversight function” nito na nag-iimbestiga sa mga pasaway na tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Inihain ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D. ang House Bill No. 5859 sa Kamara de Representantes na naglalayong magkaroon ng napapanahong modernisasyon sa NAPOLCOM matapos ang napaka-habang panahong paglilingkod nito bilang “oversight” ng PNP.

Ipinaliwanag ni Romero na itinatag ang NAPOLCOM noong 1966 sa bisa ng Republic Act No. 4864 bilang Police Act of 1966 na unang nakilala bilang Police Commission (POLCOM). Subalit nagkaroon ng re-organisasyon kung kaya’t naitatag ito bilang NAPOLCOM noong 1972.

Ayon kay Romero, ang NAPOLCOM ay unang nasa ilalim ng Office of the President noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. bago inilipat sa pangangasiwa ng Ministry of National Defence noong 1975 sa bisa ng Presidential Decree 765 o Police Integration Law.

Dahil dito, nais ng kongresista na maisulong ang modernisasyon ng NAPOLCOM na matagal na panahon ng naipagkait sa ahensiya sa pamamagitan ng paglalaan ng malaking budget kada taon na papaloob a budget ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa ilalim ng panukalang batas ni Romero, iminumungkahi nito na ang paglalaan ng P500,000,000.00 o limang daang milyon piso para sa operation at administration ng NAPOLCOM na manggagaling naman sa Department of Budget and Management (DBM).