PNP Si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas D. Torre III kasama si PNP Director for Intelligence Brig. Gen. Wilson Joseph F. Lopez (kaliwa ni Torre), ang iba pang matataas na opisyal ng PNP Intelligence at ang 16 na nakamaskarang impormante na tumanggap ng P2.295 milyong pabuya na iniaalok ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

16 informants tumanggap ng P2.295M reward kay PNP Chief P/Gen. Torre

Alfred Dalizon Jun 13, 2025
62 Views

LABING-ANIM na sibilyan na nagbigay ng impormasyon na naging daan upang maaresto ng Philippine National Police (PNP) ang 16 sa mga pinaka-wanted na kriminal sa bansa ang tumanggap ng P2.295 milyon na pabuya mula kay PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III noong Biyernes.

“Binabati ko ang 16 na indibidwal na ito na nakipagtulungan sa amin at nagpakita ng tapang para tulungan kaming madakip ang mga most wanted sa bansa. Napakaliit na halaga lamang po ang natanggap n’yo kapalit ng inyong malasakit sa bayan,” pahayag ni Torre, kasama si PNP Director for Intelligence Brigadier Gen. Wilson Joseph F. Lopez, sa pamamahagi ng cash reward.

Ang mga impormasyong ibinahagi ng mga tipster ay tumulong sa pag-aresto sa isang dating pulis na nasibak dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at sa 15 iba pang wanted na may nakalaang gantimpala mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nagsuot ng mga protective attire ang mga tumanggap ng pabuya upang hindi makilala at maprotektahan ang kanilang sarili at pamilya laban sa posibleng ganti ng mga naarestong suspek.

“Sila ay mga sibilyan at hindi empleyado ng gobyerno, alinsunod sa patakaran ng ating reward system,” ayon kay Lopez.

Ang gantimpala at dahilan ng reward ay ang mga sumusunod:

P325,000 sa tip na nagresulta sa pagkakaaresto kay dating Police Corporal Antonio Salamanque para sa kasong droga;

P200,000 para sa impormasyon ukol kay Edwin Diola (murder at statutory rape);

P170,000 para sa tip laban kay Rolando Cambarihan (murder, illegal possession of firearms, Republic Act 4136);

P145,000 para sa impormasyon laban kay Michael Desoloc (statutory rape at sexual assault);

P140,000 sa tip para kay Richard Caliboso (3 counts ng arson at attempted arson);

P140,000 para sa tip laban kay Marlon de Guzman (kidnapping-for-ransom);

P135,000 as impormasyon ukol kay Sherwin Endaya (murder);

P135,000 sa tip para sa pagkakaaresto ni Angelo Bumacod Jr. (murder);

P135,000 sa impormasyon laban kay Junel Fabroa (murder);

P130,000 sa tip para sa pagkakaaresto ni Roberto Macapas (rape);

P130,000 sa tip laban kay Florenz Mae Bapor (qualified theft);

P130,000 para sa impormasyon laban kay Jeyster de Vera (rape);

P130,000 sa tip ukol kay Ranel Tadeo (rape);

P100,000 para sa impormasyon kay Alfredo Jordio (2 counts murder, 2 counts frustrated murder, attempted murder);

P100,000 sa tip para sa pagkakaaresto ni Arnel Sidlacan (kidnapping with serious illegal detention);

P50,000 sa tip laban kay Ernesto Grupo (28 counts of estafa).