Taytay

1 sa 2 holdup suspek nakipagbarilan sa mga pulis sa Taytay, sugatan

Edd Reyes Nov 4, 2025
216 Views

SUGATAN ang isa sa dalawang holdaper na nangholdap sa dalawang lalaki matapos makipagbarilan sa mga nagrespondeng pulis Lunes ng gabi sa Taytay, Rizal.

Bantay-sarado ngayon ng pulisya sa Rizal Provincial Hospital ang suspek na si alyas Mike, 39, na nasugatan sa pakikipagbarilan habang naaresto naman ang kasama niyang si alyas Jison, 20, kapuwa residente ng Lupang Arenda, Brgy. Sta Ana, sa naturang munisipalidad.

Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nagpapatrulya sina P/Cpl. Rodel Laurista at Pat. Mhervic Bernardo ng Pulis sa Barangay ng Brgy. Sta Ana sakay ng kanilang mobile patrol dakong alas-9:30 ng gabi nang parahin sila ng mga biktimang sina alyas “Mar”, 17, at “Tony”, 21, kapuwa residente ng Taguig City, upang isumbong ang panghoholdap sa kanila ng dalawang sakay ng motorsiklo na ang isa ay armado ng baril sa Tapayan Bridge, Brgy. Sta Ana.

Kaagad isinakay ng mga pulis ang biktima sa mobile patrol at tinungo ang lugar kung saan nagtungo ang tumakas na mga suspek hanggang maabutan sa Block 18, Purok 4 Lupang Arenda.

Nang parahin ng mga pulis, mabilis na tumakas ang mga suspek hanggang makipagbarilan ang isa pagsapit sa eskinita ng Block 18 na naging sanhi ng kanyang pagkakasugat.

Nagsasagawa pa ng follow up operation ang pulisya para mabawi ang mga nakulimbat na cellphone at P2,000 cash sa dalawa habang nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 pistola na may apat pang bala sa magazine.