Calendar
1-Tahanan party list rep naghain ng panukalang batas para ex-OFWs makapagnegosyo
ISINULONG ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado ang panukalang batas na tutulong sa mga dating Overseas Filipino Workers (OFWs) na makapagtayo ng sariling negosyo.
Inihain ni Oducado ang House Bill No. 8751 (An Act Granting Benefits and Incentives to OFWs Investing Business in the Philippines) na tutulong sa mga balik-bansang OFWs sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo at insentibo katulad ng puhunan para magkaroon ng negosyo.
Kasabay ang filing ng panukalang batas sa pagpapaigting ng gobyerno sa repatriation efforts para sa mga apektado ng kaguluhan sa Middle East na nagbunsod ng pagsirit ng presyo ng gasolina.
Binigyang diin ni Oducado na dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi na babalik ang mga OFWs sa bansang pinanggalingan nila dahil sa kawalan ng katiyakan ng trabaho pagbalik nila sa bansang dating pinagtatrabahuhan.
“As thousands of OFWs are being brought home due to instability abroad, we must ensure they are not returning to uncertainty, but to real opportunities for livelihood and reintegration,” sabi ni Oducado.
Layunin din ng HB 8751 na magtatag ng mga tax exemption, bawas na bayarin sa lokal na pamahalaan at mas madaling access sa pautang para sa mga negosyong pagmamay-ari ng mga OFWs.
“Hindi lamang ito isang pang-ekonomiyang hakbang kundi tugon para sa reintegration ng mga OFWs na magbibigay daan para sila ay magkaroon ng ikabubuhay pagbalik nila ng Pilipinas,” sabi ni Oducado.
Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ng limang taong tax exemption ang mga negosyong pagmamay-ari ng mga OFWs kasama ang iba pang insentibo gaya ng bawas sa real property tax, duty-free na pag-aangkat ng mga kagamitan para sa negosyo at prioridad sa pautang mula sa government institution.

