Bomb Nagsagawa ng pagsisiyasat ang Manila Police District sa UP Manila PGH sa Ermita, Manila, na nakatanggap ng bomb threat upang masiguro ang kaligtasan sa lugar. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

12 PAARALAN SA ILOILO CITY BINULABOG NG BOMB THREAT SA LOOB LAMANG NG 5 ARAW

Jon-jon Reyes Nov 18, 2025
431 Views

Bomb1Bomb2Bomb3UMABOT sa 12 paaralan sa lungsod at lalawigan ng Iloilo ang sunod-sunod na nakatanggap ng mga bomb threat sa pamamagitan ng text message simula noong Nobyembre 12 hanggang 17.

Ayon sa ibinahaging video, makikita ang paglabas ng mga estudyante sa kalsada mula sa Central Philippine University campus matapos kanselahin ang pasok dahil sa natanggap na bomb threat Lunes ng hapon.

Dahil dito, nagdulot ng matinding trapik sa nasabing lugar ang mga paglabas ng mga estudyante sa eskuwelahan.

Kabilang din sa mga paaralan na nagkansela ng pasok matapos makatanggap ng mga bomb threat ay ang mga sumusunod:

• University of San Agustin-Basic Education Department sa Jaro, Iloilo City
• Iloilo Science and Technology University sa La Paz, Iloilo City
• Iloilo National High School sa La Paz, Iloilo City
• West Visayas State University sa La Paz, Iloilo City, at sa Calinog at Janiuay sa Iloilo
• Hua Siong College of Iloilo sa Iloilo City
• Colegio De San Jose sa Jaro, Iloilo City
• Guimbal National High School sa Guimbal, Iloilo
• Central Philippine University sa Jaro, Iloilo City
• St. Therese MTC-Colleges sa Iloilo City
• Iloilo Merchant Marine School sa Pavia, Iloilo.

Dahil sa mga pangyayari ay mabilis namang rumesponde sa mga nasabing paaralan ang Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Philippine National Police (PNP) para suriin ang lugar, pero walang nakitang bomba.

Samantala, ang Hua Siong College of Iloilo ay nag negatibo rin sa bomb threat ayon sa Iloilo City Police Station 1 (ICPS 1).

Kinumpirma ng ICPS 1 na clear na ang lugar at payapa na ang Hua Siong College of Iloilo-Main Campus matapos silang makatanggap ng bomb threat noong umaga ng Nobyembre 17.

Ayon kay PCapt. Melchor Arbis Tolentino, officer-in-charge ng ICPS 1, inihayag na alas-12:30 ng tanghali ay idineklara ng EOD na walang anumang uri ng pampasabog na nakita sa lugar.

Binalaan ng opisyal ng pulisya ang mga tao o grupo na nasa likod ng pananakot ng bomba.

Sinabi ni PCol. Kim Legarda na hindi dapat gawing katatawanan, libangan at biro ang pagbabanta ng bomba. Aniya, inihahanda na nila ang kaukulang ebidensiya para makasuhan ang mga responsable rito.

Samantala, nanawagan si Legada sa mga mag-aaral ng eskuwelahan na nagkansela ng klase na umuwi na lamang ang mga ito sa kanilang mga tahanan at iwasan ang convergence areas na maaaring target ng mga suspek.

Nagpulong na ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Iloilo kasama ang Iloilo City Police Office, Regional Anti-Cybercrime Unit 6 ng PNP at ang National Bureau Investigation 6 para maimbestigahan ang insidente at mahuli ang salarin.

Nagbigay naman ng P100,000 na pabuya si Iloilo City Mayor Raisa Treñas sa makakaturo sa salarin.

Noong Huwebes, nakatangap din ng bomb threat ang UP Manila PGH at agad nirespondehan ng pulisya. Sa huli ay negatibo rin ito sa bomba.

Ayon sa report ng pulisya, ang nakatanggap at nakabasa ng bomb threat ay isang programmer at doktor sa UP Manila PGH sa Ermita, Manila.