Calendar
![LTO](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/LTO-1.gif)
1,223 dilaw na plaka pinamahagi ng LTO sa mga tricycle driver
SA pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod ng Marikina, namahagi ang Land Transportation Office (LTO) noong Biyernes, Pebrero 7, ng kabuuang 1,223 dilaw na plaka sa mga drayber ng tricycle.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pamamahagi ng mga plaka ay hudyat ng pagtatapos ng backlog sa plaka ng mga rehistradong tricycle sa Marikina City.
“Malapit na nating ganap na masolusyunan ang backlog sa mga plaka ng motorsiklo, at ito ay dahil sa buong suporta ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. upang tuluyang matuldukan ang problemang ito na nagsimula pa noong 2014,” ani Asec Mendoza.
Pinangunahan nina Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at Marikina 1st District Representative Marjorie Ann Teodoro ang pamamahagi ng mga plaka, kasama ang mga opisyal ng LTO at lokal na pamahalaan.
Nagpasalamat si Mayor Teodoro kay Asec Mendoza sa pagtupad ng LTO sa pangakong resolbahin ang backlog ng plaka para sa mga tricycle.
Noong nakaraang taon, nakipagpulong si Pangulong Marcos kay DOTr Secretary Jaime J. Bautista at Asec Mendoza upang talakayin ang iba’t ibang hamon na kinakaharap ng LTO, lalo na ang tungkol sa mga plaka ng sasakyan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Asec Mendoza, natapos na rin ng LTO ang backlog sa plaka ng mga sasakyang may apat na gulong, matapos makagawa ng mahigit 800,000 plaka mula noong huling bahagi ng 2023—ilang buwan lamang matapos siyang italaga bilang pinuno ng ahensya.
Tiwala si Asec Mendoza na ang patuloy na pamamahagi ng natitirang dilaw na plaka para sa mga tricycle ay makatutulong sa mga tricycle operators and drivers’ associations (TODA) sa Marikina City upang maiwasan ang paglaganap ng mga colorum na tricycle, gaya ng nangyari sa Quezon City.
Noong nakaraang taon, nagpahayag ng kumpiyansa ang mga opisyal at miyembro ng TODA sa Quezon City kay Asec Mendoza matapos bumuti ang kanilang kita nang tuluyang maalis ang mga colorum na tricycle sa kanilang lugar kasunod ng kumpletong pamamahagi ng plaka.