Calendar
13-anyos na aktor grinipuhan ng nakaalitan, 15, kritikal
KRITIKAL ang kalagayan ng isang 13-anyos na batang aktor matapos umanong pagsasaksakin ng nakaalitang kabarkada na edad 15-anyos sa Barangay Payatas, Quezon City, noong Oktubre 12.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon noong Oktubre 12, malapit sa Golden Shower Basketball Court. Naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Payatas-Bagong Silangan Police Station (PS 13) dakong alas-6:59 ng gabi sa araw ding iyon.
Matapos ang inquest proceedings noong Oktubre 13 para sa kasong frustrated murder ay inilagay ang menor de edad sa kustodiya ng Molave Youth Home.
Samantala, nananatili sa intensive care unit (ICU) ng Quezon City General Hospital ang biktima matapos magtamo ng mga saksak sa tiyan, ibabang bahagi ng likod at kaliwang braso.
Ayon sa kuya ng biktima, malubha ang mga sugat nito, kabilang ang pinsala sa spleen at bituka. Naibalik na umano ang spleen sa pamamagitan ng operasyon at nagkamalay na ang bata.
Sa salaysay ng kuya, naglalaro umano ng pogs ang biktima at nakatalikod nang magsimula ang gulo, na nauwi sa suntukan bago ang pananaksak.
Hinala rin ng kuya na may iba pang sangkot sa krimen, batay umano sa mga saksi na nagsabing may humawak sa biktima habang sinasaksak ito. Gayunman, iginiit umano ng suspek na siya lamang ang may kagagawan.
Dahil dito, nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima at hiniling na masuri ang pagpapatupad ng batas hinggil sa pananagutan ng mga menor de edad na nasasangkot sa mabibigat na krimen.
Ayon naman kay QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo, patuloy ang kanilang pagsisikap na matiyak ang hustisya para sa mga biktima habang iginagalang ang mga karapatan ng lahat ng sangkot alinsunod sa batas.

