Calendar
Bagets nagpadala sa delivery rider ng higit P3.8M halaga ng shabu, timbog sa Makati
ARESTADO sa follow-up operation ng pulisya ang 18-anyos na bagets matapos magpadala ng isang paketeng naglalaman ng mahigit P3.8 milyong halaga ng shabu sa isang delivery rider Sabado ng gabi sa Makati City.
Sa halip na dalhin sa sinabing lugar ang pakete na inilagay pa sa paper gift bag, dinala ito ng delivery rider sa Makati Police Station nang masilip ang laman ng parcel na bahagya ng nakabukas.
Nang suriin ng mga pulis ang pakete, natuklasan ang tinatayang 563.5 gramo ng shabu ang laman nito na nagkakahalaga ng ₱3,831,800.00 kung kayat nagsagawa kaagad sila ng follow-up operation, kasama ang rider.
Dakong alas-10:00 ng gabi nang matiyempuhan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang suspek na si alyas “Michael” sa kanto ng Santuico at Facundo Streets sa Brgy. Pio Del Pilar na positibong itinuro ng rider na nagpadala ng pakete.
Tinangka pang tumakas ng suspek subalit kaagad siyang hinabol ng mga pulis hanggang sa masukol sa Javier St. sa naturan ding barangay.

