Patay Patay ang 13-anyos na binatilyo matapos masagasaan at maipit sa gulong ng trailer truck sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard, Tondo, Manila.

13-anyos na estudyante nagulungan ng truck habang tumatawid, patay

Jon-jon Reyes Nov 26, 2025
529 Views

Patay1Patay2PATAY ang isang 13-anyos na estudyante matapos maipit at magulungan ng trailer truck sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard corner Española Street, Tondo, Manila, hapon ng Martes.

Nakilala ang biktima na si alyas “Amado,” estudyante at huling nanirahan sa Area GK Compound sa Tondo.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District Traffic Enforcement Group (MTEG) ang driver ng truck na si alyas “Operio,” nasa hustong gulang at nakatira sa M. Sioson Street, Dampalit, Malabon City.

Ayon kay PCapt. Dennis Turla, chief ng Investigation Section ng MTEG, bandang alas-2:30 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ni IOC PSSg. Ardee Bautista, batay sa kuha ng CCTV footage ng Brgy. 106, nakita pang tumatawid ang biktima mula sa kabilang kalsada habang ang truck ay nakahinto sa kahabaan ng northbound lane ng Mel Lopez Boulevard corner Española Street, Tondo, Manila, dahil sa nagkaroon ng engine malfunction.

Dahil dito, bumaba ang pahenante ng nasabing truck upang maglagay ng tubig sa radiator.

Pagkatapos noon ay bumalik na sa sasakyan ang pahenante at umandar pasulong ang truck.

Dito na natamaan at nabangga ang biktima sa huling bahagi ng gulong ng trak na tumatawid noon sa daanan mula northbound lane, hanggang ang biktima ay nasagasaan ng trailer at naipit sa ilalim, na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.