Calendar

13 pasahero sugatan sa karambola sa NLEX
SUGATAN ang 13 pasahero ng bus sa karambola ng tatlong sasakyan noong Lunes sa North Luzon Expressway (NLEX) na sakop ng Valenzuela City.
Isinugod ng mga ambulansya ng NLEX Rescue Team at Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) ang mga biktima na sina Marissa, 83; Teresita, 65; Angelyn, 63; Narcisa, 60; at siyam pang pasahero sa Valenzuela Medical Center at Valenzuela City Emergency Hospital.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Valenzuela Police chief P/Col. Nixon Cayaban, naganap ang insidente dakong alas-9:03 ng gabi sa Km. 12+900 ng NLEX sa bahagi ng Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Tinatahak ng tatlong sasakyan ang expressway patungong Balintawak nang lumipat mula sa lane 4 ang pampasaherong bus na minamaneho ng 42-anyos na si alyas Marlon.
Sa sobrang bilis ng bus natumbok ang hulihang bahagi ng closed van.
Muling lumipat sa lane 4 ang bus at binangga naman ang hulihang bahagi ng Isuzu dump truck na minamaneho ni alyas Eugene.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang unahang bahagi ng bus kaya’t kinailangan pang basagin ang salamin ng bintana upang mailabas ang mga sugatang pasahero.
Ayon kay P/SMS Oliver Juan ng Traffic Investigation Unit ng Valenzuela Police, nakipagkasundo ang operator at driver ng bus sa mga biktima at nangakong sasagutin lahat ng gastusin sa ospital at gamot at ang nasirang bahagi ng dump truck.
Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property ang driver ng bus sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.