Quake Agad nagsagawa ng rescue operations ang kapulisan matapos ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Gitnang Visayas.

1,356 tiniyak kaligtasan ng mga taga-C. Luzon matapos ang lindol

Alfred Dalizon Oct 1, 2025
615 Views

BUONG suporta ang ibinibigay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) sa panawagan nI Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mabilis, maayos, at may pusong pagtugon ng pamahalaan matapos ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Gitnang Visayas nitong gabi ng Martes.

Batay sa paunang ulat, kabilang sa mga naapektuhan ang sunog sa SM Consolacion, pagbagsak ng tunnel sa Mambaling, pagkasira ng ilang establisimyento sa Cebu City, at pagguho ng simbahan sa Daanbantayan. Nakararanas din ng malawakang brownout ang ilang bayan at lungsod gaya ng Talisay, Bogo, Danao, Toledo, at iba pang lugar sa hilagang Cebu.

Ayon sa pinakahuling datus na pinalabas alas-onse ng umaga ng Miyerkules, umabot na sa 1,356 PNP personnel ang naipakalat sa iba’t ibang apektadong lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, tumulong sa mga operasyon ng disaster response, at magbigay ng seguridad sa mga lokal na komunidad.

Kabilang sa deployment ang 348 mula Cebu City Police Office, 51 sa Mactan City Police Office (CCPO), 294 sa Lapu-Lapu City Police Office (LPPO), 363 sa Cebu Police Provincial Office (CPPO), 143 sa Bohol Police Provincial Office (BPPO), 100 mula Regional Mobile Force Battalion (RMFB), 50 mula Regional Headquarters (RHQ), at 7 mula Regional Medical and Dental Unit (RMDU). Nakumpirma rin ng PNP ang activation ng 1,457 evacuation centers

Isa sa mga evacuation centers ay nasa loob ng Cebu PPO kung saan mga siyam na pamilya na kinabibilangan ng 33 tao ang pansamantalang naninirahan.

Iniulat din ng pulisya ang pinsala sa 27 gusali at tatlong PNP stations sa region bunga ng malakas na lindol.

Tiniyak ni cting Chief PNP, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang kahandaan ng PNP na tumindig kasama ng ating mga kababayan sa panahong ito ng pagsubok:

“Naroon ang ating mga tauhan hindi lamang upang magbigay seguridad, kundi upang tumulong at umalalay sa mga pamilyang higit na nangangailangan. Malinaw ang utos ating Pangulo—dapat maramdaman ang pamahalaan sa oras ng pangangailangan, at nakahanda ang inyong kapulisan na gampanan ang tungkuling ito,” ayon sa tagapagsalita ng Pambansang Pulisya.

Binigyang-diin d din ni Brig. Gen. Tuaño, ang kahalagahan ng koordinasyon at pagiging bukas sa publiko:

“Mahigpit kaming nakikipagtulungan sa LGUs, NDRRMC, at mga relief organizations para matiyak ang maayos na pagtugon. Ang aming pangunahing tungkulin ay panatilihing ligtas ang mga komunidad, bantayan ang mga evacuation centers, at magbigay ng napapanahong impormasyon sa publiko,” ayon sa PNP Chief.

Sa isang pahayag, ipinarating din ni Lt. Gen. Nartatez ang kanilang pakikiisa sa pagdadalamhati ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa lindol na tumama sa Cebu.

“Kasama ninyo kami sa panalangin para sa kaligtasan ng lahat ng naapektuhan at sa mabilis na pagbangon ng ating mga komunidad,” ayon sa kanya.

Dagdag pa ni Lt. Gen. Nartatez, nakaalerto na ang lahat ng miyembro ng PRO7 para sa malawakang opersayon para tulungan ang mga biktima ng lindol.

A”ng mga pulis ay katuwang ng iba pang ahensya sa search and rescue, pagbibigay ng agarang tulong, at pagpapanatili ng kaayusan sa mga lugar na lubos na naapektuhan. Tinitiyak po namin na ang inyong PNP ay laging naroroon—handa, mabilis, at maaasahan,” ayon sa kanya.

“Hinihikayat namin ang bawat isa na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng inyong lokal na pamahalaan, at makipagtulungan sa mga awtoridad. Sa kabila ng matinding pagsubok, nananatili tayong matatag at nagkakaisa. Sama-sama nating malalampasan ang pagsubok na ito at patuloy nating ipapakita ang lakas ng sambayanang Pilipino,” ayon kay Lt. Gen Nartatez.

Inatasan na din ng PNP Chief ang Police Regional Office 7 na pinamumunuan ni Brig. Gen. Redrico A. Maranan na i-activate ang Disaster Incident Management Task Group, magsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), at tiyakin ang accounting ng lahat ng personnel at kagamitan.

“Naroon na ang ating kapulisan sa mga apektadong lugar upang magbigay seguridad, tumulong sa paglilikas, at tiyakin ang kaayusan habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa lawak ng pinsala ng lindol,” sinabi ng opisyal.