Calendar
14 sasakyan inararo ng UV Express sa QC; 1 tigok, 4 sugatan
ISA ang patay habang apat ang sugatan matapos araruhin ng isang UV Express ang 14 na sasakyan sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, Quezon City Police District director, ang nasawi ay isa sa mga biktima na naunang naiulat na nasugatan.
Agad namang naaresto ang suspek na si Ruel Flores Dela Cerna, 54, driver ng Mitsubishi Adventure UV Express (UWL894), at residente ng Bicoleyte St., Commonwealth Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang alas- 11:00 ng umaga nitong Biyernes (October 17), nang maganap ang insidente sa Commonwealth Ave. sa harapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Brgy. UP Campus, Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ni Dela Cerna ang Mitsubishi Adventure UV Express at habang binabagtas ang eastbound mula sa Elliptical Road patungong Fairview nang biglang araruhin ng sasakyan nito ang grupo ng mga naka- motorsiklo.
Pagkatapos ay tumakas ang suspek at walang habas na nagmaniobra sa magkabilang silangan at pakanluran na daanan ng Commonwealth Ave., at muling sinalpok ang ilang motorsiklo at sasakyan, na nagdulot ng pinsala sa mga sakay nito.
Aagd rumesponde ang mga traffic enforcer at hinabol ang suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property w/ Physical Injury laban sa suspek.

