15-km municipal waters ireserba sa maliliit na mangingisda–Tulfo

16 Views

ISINUSULONG ni Sen. Raffy Tulfo ang pagpasa ng panukalang batas na magrereserba sa 15-kilometrong municipal waters na para sa maliliit na mangingisda at bawal ang hindi awtorisadong commercial fishing sa lugar.

Hiniling ni Tulfo sa mga kapwa senador na ipasa ang Senate Bill No. 522 o Municipal Fisherfolk Protection Act na inakda ni Sen. Loren Legarda.

Binanggit niya ang pagbaba ng produksyon ng isda, ang illegal fishing at ang pagpasok ng mga commercial fishing vessel sa municipal waters.

“The Constitution is clear: all natural resources, including fisheries, are owned by the State, and the exploration, development, and utilization of these resources must remain under its full control and supervision,” ani Tulfo.

Ipinunto rin ng senador na may kapangyarihan ang Kongreso na amyendahan ang mga batas.

Nanawagan din si Tulfo na repasuhin ang Republic Act No. 10654. Ito ang batas noong 2015 na nag-amyenda sa Fisheries Code at naghigpit laban sa illegal, unreported at unregulated fishing.

“Let us review Republic Act No. 10654 to rectify what has been undone by the Supreme Court’s decision,” wika niya.

Sa ilalim ng SB 522 ni Tulfo, idedeklarang nakalaan sa municipal fisherfolk at sa kanilang mga rehistradong organisasyon ang 15-kilometrong municipal waters. Bago payagan ang anumang commercial fishing sa lugar, kailangan munang dumaan ito sa scientific, technical at socioeconomic assessment.

Uunahin din ang mga rehistradong kooperatiba ng mangingisda sa pagbibigay ng fishing rights. May kasama ring suporta sa kabuhayan ang panukala.

Noong 2024, pinagtibay ng First Division ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court noong Disyembre 2023 sa kasong isinampa ng Mercidar Fishing Corp.

Pinawalang-bisa ng RTC ang mga probisyon ng Fisheries Code na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng hurisdiksyon sa municipal waters.

Ibinasura ng Korte Suprema ang apela ng gobyerno dahil huli itong naihain. Humiling na ang Department of Agriculture na muling pag-aralan ang desisyon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa SB 522 noong Pebrero 18, sinabi ni Legarda na natalo ang gobyerno dahil sa late filing at hindi dahil sa merits ng kaso.

Sa hiwalay na desisyong inilabas noong Hulyo 30, pinawalang-bisa rin ng Korte Suprema sa botong 13-2 ang Fisheries Administrative Order No. 266. Inobliga ng kautusan ang mga commercial fishing vessel na maglagay ng vessel monitoring at electronic reporting system.

Hiniling ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at ng ilang grupo ng mangingisda na muling pag-aralan ng Korte ang desisyong ito.

Ayon kay Tulfo, nasa 2.6 milyon ang mangingisda sa bansa.