Calendar
Senado inaprubahan sa 2nd reading obligadong insurance sa line workers
INAPRUBAHAN ng Senado noong Martes sa second reading ang panukalang nag-oobliga sa mga employer na i-insure ang mga line worker ng hindi bababa sa P300,000 laban sa kamatayan o kapansanan dulot ng panganib sa trabaho.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2485, o Line Workers Insurance and Benefits Act, sasagutin ng employer ang buong premium. Pagmumultahin ng P300,000 hanggang P500,000 ang hindi susunod.
Hiwalay ang insurance sa mga benepisyong natatanggap na ng manggagawa sa ilalim ng social security laws, collective bargaining agreements at patakaran ng kumpanya. Saklaw din ang mga line worker na pansamantalang ipinadala sa ibang kumpanya o entity para sa emergency restoration o pagkukumpuni.
Inaprubahan din sa second reading ang Senate Bill No. 2484, o National Line Workers Appreciation Day Act, na nagtatakda sa unang Lunes ng Agosto bawat taon bilang araw ng pagkilala sa electrical line workers.
Sa dalawang panukala, tinutukoy na line workers ang mga direktang gumagawa sa construction, installation, inspection, maintenance, rehabilitation at repair ng electrical transmission at distribution systems, gayundin ng telecommunications lines at kaugnay na pasilidad, nasa itaas man o nasa ilalim ng lupa.
Si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pangunahing may-akda ng mga panukala.
“Ang Senate Bill 2484 ay pagkilala sa kanilang serbisyo, samantalang ang Senate Bill 2485 ay nagbibigay ng kasiguruhan na kapag may nangyaring masama, may benepisyo at proteksyong nakalaan para sa kanila at sa kanilang pamilya,” ani Escudero.
Kailangan pang aprubahan ng Senado ang dalawang panukala sa third and final reading. Naipasa na ng Kamara ang sarili nitong bersyon ng insurance measure, ang House Bill No. 7239.

