Calendar
Kamara may live streaming sa pagdinig ng BARSc
MAGKAKAROON ng live streaming ang Kamara de Representantes sa mga pagdinig ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) simula sa Huwebes bilang bahagi ng hakbang upang matiyak ang transparency at access ng publiko sa proseso ng pagsusuri sa mga pagbabago sa pambansang budget.
Ayon kay House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, nagsisimula na ang BARSc ala-1:00 ng hapon noong Huwebes.
Ipagpapatuloy ng Kamara ang nakaraang taon nitong sistema kung saan maaaring mapanood ng publiko ang aktuwal na deliberasyon ng subcommittee.
Bukod sa livestream, ilalahad din ng paisa-isa ang mga pagbabagong maaaprubahan sa proseso ng deliberasyon upang masuri ng publiko.
“All amendments approved over the course of the deliberations will be shown line by line for the perusal of the public,” dagdag ni Garafil.
Sa pamamagitan ng livestream, magkakaroon ng pagkakataon ang publiko at media na direktang masubaybayan ang mga talakayan.
Hinimok din ni Garafil ang mga mamamahayag na nakatutok sa Kamara at sa pambansang budget na subaybayan ang livestream.
“Members of the media are encouraged to monitor the livestream and cover the proceedings online to keep the public informed of the discussions and developments,” ani Garafil.
Ilalabas ang opisyal na link ng livestream oras na ito ay maging available.
Pinayuhan ang publiko na umasa sa opisyal na BARSc livestream at mga anunsyo ng House of Representatives para sa tama at napapanahong impormasyon.

