Calendar
Ang ni-raid na ‘drug den’ sa Subic.
Source: PRO3
17 drug suspek nalambat; P17M shabu nakuha ng PDEA mula 4 na drug den
APAT na ipinapalagay na secret drug dens ang nabuwag ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at nagresulta sa pagkakadakip ng 17 suspek at pagkumpiska ng mahigit P7 milyong halaga ng shabu, ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez noong Linggo.
Dalawa sa mga akusado, sina alyas Arsad, 36, at Lovel, 47, nahuli sa buy-bust sa Brgy. Marcelo Green, Parañaque City dakong alas-3:00 ng hapon noong Biyernes.
Nakuha sa mga suspek ang isang kilo ng shabu na may halagang P6.8 million at buy-bust money.
Noon ding Biyernes, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 4-A ang isang drug dive sa Brgy. Timbao, Biñan City sa Laguna at nahuli ang apat na tao kabilang ang isang menor-de-edad.
Nasamsam sa naturang raid ang halos anim na gramo ng shabu na may halagang P40,800 at iba’t-ibang drug paraphernalia.
Nadakip din sina alyas Karen, 39; Lito, 28; at Nono, 31.
Noon namang Sabado, ni-raid ng mga operatiba ng PDEA Rizal Provincial Office at Regional Intelligence Unit 4-A ang isang drug den sa Sitio Manalite sa Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City, Rizal.
Nadakip sa naturang operasyon ang apat na suspek na sina alyas Dekdek, 44; Ferdinand, 37; John, 28; at Adrian, 23.
Narekober sa loob ng sinalakay na drug dive ang limang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000 at iba’t-ibang drug paraphernalia.
Sa Subic, Zambales, nabuwag ang isang drug den sa Brgy. Calapandayan.
Nahuli sa naturang raid sina alyas Kaste, 46; Mar, 40; Ron-ron, 40; at Aldo, 31.
Nakumpiska sa kanila ang halos 10 gramo ng shabu na may halagang P68,000 at mga drug paraphernalia.
Isa pang raid sa Brgy. San Antonio sa Lubao, Pampanga noong Linggo ang nagresulta sa pagkakabuwag ng isang drug dive at pagkakahuli kina alyas Dante, 41; Ton-ton, 31; at Jepoy, 38.
Nakumpiska sa naturang operasyon ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P102,000 at mga drug paraphernalia.

