Petrolyo

17 kulong sa ilegal na pagbebenta ng petrolyo

Bernard Galang Jun 12, 2025
251 Views

LABINGPITONG lalaki ang inaresto at ikinulong noong Huwebes dahil sa ilegal na pag-iimbak ng ninakaw na produktong petrolyo sa dalawang warehouse sa Lubao, Pampanga.

Kinilala ni Pampanga police director PCol. Jay Dimaandal ang mga suspek na nahuli sa raid sa Prado Siongco, Lubao warehouse na sina alyas Val, 20; Jabel, 20; Garde, 57; Gere, 21; Dolfo, 56; at Laurel, 37.

Nahuli naman sa bypass road sa Brgy. Lourdes, Lubao sina alyas Negro, 30; Abapo, 38; Subosa, 52; Portes, 34; Strong, 48; Yuson, 29; Valen, 41; Oscar, 41; Moniso, 25; Cruz, 38; at Aroza, 27.

Nabatid sa pagsisiyasat na ang mga residente ng Purok 7 ay nagreklamo sa mga awtoridad ukol sa masangsang na amoy sa kanilang lugar tuwing gabi.

Rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at Lubao police at nakita sa loob ng bodega ang mga suspek sa aktong iligal na humahakot ng mga ninakaw na produktong petrolyo.

Nasamsam sa raid ang 32 1000-litro Intermediate Bulk Containers (IBCs), dalawang metal tank container, dalawang pumping machine, isang metal panel, 3,800 litro ng petrolyo, dalawang fire extinguishers, notebook at mga resibo na nagsasaad ng pagbebenta ng produktong petrolyo, tanker truck (NDG 984) at P279,400 cash.

Sa pagtatanong ng pulisya sa mga suspek, itinuro ng mga ito ang isa pang bodega sa bypass road sa Brgy. Lourdes, Lubao.

Nakumpiska sa boding iyon ang limang container na may 1000-liter capacity, 51 empty containers na may 16-liter capacity, 15 containers na 1000-liter capacity, isang Isuzu GIGA close van (CBP 3126), isang tanker truck (AWA 7589) at isang plate number NPO truck na may plate number 6.

Nakakulong ngayon ang lahat ng suspek sa Lubao police station.